NAKAAALIW AT nakatatawa ang confessions nina Gelli De Belen, Direk Bibeth Orteza at Alice Dixson sa torpe nilang high school crush!
Hindi maiwasang matawa ng mga naimbitahang press people sa press launch ng inaabangang tawaserye ng TV5, ang Confessions of a Torpe, na ginanap sa Oaisis Manila sa confessions ng mga babaeng artista sa crushes nilang lalaki noong kabataan nila na mga torpe.
Tsika nga ni Alice Dixon na noong high school daw siya at bagong dating sa Pilipinas from USA, may classmate daw siyang alam niyang crush siya at alam din nitong type din niya, pero walang lakas ng loob kausapin siya.
Dahil daw siguro natotorpe sa kanya at nahihiya dahil Inglesera siya, kaya naman ang ending ay walang ligawang nangyari. Hindi nga naman daw kasi maganda na siya ang mauunang gumawa ng move eh, kababae niyang tao.
Kuwento naman ni Gelli De Belen na may crush siya noong high school, pero hintay siya nang hintay na i-approach siya pero tumagal nang tumagal pero wala ring move na ginawa. Katulad ni Alice, ayaw naman daw niyang siya ang mag-first move dahil babae siya. Kaya ang ending, naunahan na ito ng iba.
Kakaiba naman ang kuwento ni Direk Bibeth Orteza sa kanyang crush dahil siya pa raw ang pumupunta sa bahay nito sa malabon na tumagal nang ilang linggo. At nang sabihan nito na gusto niya ang binata ay binasted daw siya nito, ayaw raw kasi nito na babae ang nanliligaw sa kanya.
Pero sa isang okasyon, muling nagtagpo ang kanilang landas at biniro siya nito na buti na lang daw at binasted siya nito dahil kung hindi raw ay hindi si Direk Carlitos Siguion Reyna ang napangasawa kung hindi siya na ilang beses na raw nagpalit ng asawa.
Bukod kay Gelli, Direk Bibeth at Alice, makakasama rin ng mga ito sina Ogie Alcasid, Wendell Ramos, Mark Neumann, Shaira Mae, Albie Casiño, Ms. Pilita Corrales, Bayani Agbayani, Jojo Alejar, Gerry Acao at Mike Lloren mula sa direksiyo ni Soxy Topaci at mapapanood tuwing Monday to Friday 7:30pm sa TV5.
MAY GININTUANG puso ang tinaguriang Charity Diva na si Token Lizares dahil hindi lang ito magaling umawit at composer, kung hindi may puso rin ito at bukas ang kamay para tumulong sa mga kababayan nating kailangan ng tulong.
Ginagawa nitong instrumento ang angking galing sa pag-awit para makatulong sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng konsiyerto na ang lahat ng kinikita rito ay itinutulong ni Token.
At sa March 22, 2014 ay magkakaroon ito ng konsiyerto entitled, “My Token of Love, Token Lizares” kung saan makakasama nito sina Richard Poon, German Moreno, Michael Pangilinan , Prima Diva Billy, Niza Limjap , AJ Tamisa and Le Chazz with Alex Datu (front act) at ang kikitain ng konsiyertong ito ay mapupunta sa Holy Family Home Bacolod Foundation Inc. at Capuchin Tertiary Sisters of the Holy Family.
John’s Point
by John Fontanilla