Alitaptap sa takip-silim

NU’NG AKO’Y MUSMOS pa, pagkatapos ng eskwela at maglaro sa aming munting plaza, susugod ako sa isang tabing-ilog na maraming kawayan at talahib. Ginagawa ko ito tuwing takip-silim. Pinapanood ko ang prusisyon ng mga alitaptap sa mga puno ng duhat at mangga. Nakakapigil-hi-ningang tanawin. Parang maliliit na bituin, sumasayaw, umiindak at kumukutitap sa bumabalot na dilim.

Hindi mailap sa akin ang alaala. Maski ngayon, ‘pag ako ay umuuwi sa baryo ng aking kapanganakan sa San Pablo, Laguna ay binibisita ko ang ilog. ‘Yun lang, lagi akong nalulungkot. Kahit sa takip-silim, wala na ang alitaptap ng aking kabataan. Wala nang haplos ng malamig na hangin sa aking balikat. Wala na ang laguslos ng ilog. O huni ng mga ibon.

Saan nagtungo ang mga alitaptap? Marahil nagtago sila sa pusod ng malalayong bundok na hitik pa ng malalagong halaman at mayayabong na punong-kahoy. Maaari ring tuluyang nawala na kagaya ng ibang hayop at insekto na ating kinaaaliwan nu’ng kabataan.

Sa aking 68 na edad, kalimitang oras ay napupunta sa pagmumuni-muni. Laging binabalangkas ang alaala ng ako’y paslit.  Walang suliranin. Inosente. Walang pag-iimbot. Meron lang taos-kaluluwang pagmamahal sa magulang, kapatid, mga kamag-anak at kaibigan, lalung-lalo na ang Diyos. Babalik pa kaya ang ginintuang panahon? Maaaring bumalik kung babalik pa ang alitaptap.

MARAMING NAGTATAKA KUNG bakit biglaang nawala sa eksena si Sec. Ricky Carandang. Dati-rati laman ang Tsinitong mukha niya ng tri-media. Dati-rati napakadaldal. Nagkukumento sa lahat ng isyu kasama na ang ‘di niya kabisadong isyu ng international relations. Ano ang nangyari? Sino ang bumusal sa kanya?

Sa totoo lang, maraming asar kay Ricky. Ewan subalit nu’ng naging gabinete raw ay biglang nagbago, naging isna-bero at pala-away, ‘di sumasa-got ng text ng kaibigan sa media at iba pang pintas at pula.

Hindi ko masyadong kilalang personal si Ricky. Ang alam ko lang ay ang American accent niya nu’ng ABS-CBN anchorman. Sampung beses na yata akong ipinakilala sa kanya. Subalit ‘pag kami’y nagkikita, hindi niya ako matandaan.  Sabi ko, napakabata naman para magkaroon ng Alzheimer’s disease. Talagang ganyan ang nasa poder at kapangyarihan.  Parang walang kamatayan.

Tsismis na wala na sa good graces ni P-Noy si Ricky. Ang reaksyon ng marami: good riddance.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleEscudero vs. Pangilinan at Antipolo mayor, ama ng jueteng
Next articleKarapatan sa anak

No posts to display