MAGANDA ANG feedback sa Pinoy remake ng ng Korean romantic comedy series na Coffee Prince kung saan balik-tambalan sina Aljur Abrenica at Kris Bernal. Parang kape na swabe ang lasa at tamang-tama ang timpla ng nasabing primetime series ng GMA 7.
“Very happy po kami sa lahat ng naririnig naming positive comments. At very thankful din nga dahil nga po ‘yong pinaghihirapan namin eh, nakikita po namin ang magandang resulta. And masaya sa set. Lalo pa kaming nai-inspire na pagbutihan pang lalo ang trabaho namin.”
First time lang ni Aljur na makagawa ng isang romantic-comedy series. At aminado siya na mas mahirap daw ito for him. “Kasi nakasanayan po naming ‘yong drama. ‘Yong action. ‘Yong fantasy. Ito kasing sa Coffee Prince, parang ang hirap magpatawa. At saka… ‘yong timing kasi ang hinuhuli, eh. Si Kris, magaling, eh. Ako, nanga-ngapa pa ako.”
Ayaw man ni Aljur na matanong tungkol sa kasalukuyang estado ng kanyang lovelife, hindi pa rin siya makaiwas na mausisa tungkol dito. Ah… working, eh,” aniya. “Working. Nagtatrabaho pa rin po ako. At trabaho muna ang focus ko.”
Kumusta sila ngayon ng matagal nang napapabalitang girlfriend niyang si Kylie Padilla? “Maayos kami. Maayos naman po kami.”
Kaya happy siya ngayon? “Masaya naman. Masayang-masaya ako ngayon.”
Happy siya sa takbo ng kanyang career? At happy rin sa takbo ng lovelife niya ngayon? “Oo. Masaya ako.”
Isa pa raw na labis na ikinasisiya ngayon ni Aljur ay ang tagumpay ng kapatid niyang si Vin Abrenica na nanalong best actor sa Artista Academy. Nando’n nga siya sa Smart Araneta Coliseum na siyang venue ng nasabing talent search ng TV5 para sumuporta.
“Iyon po talaga ang nakapagpasaya sa akin. ‘Yong kapatid ko po. Kumbaga, hindi po ordinaryong nangyayari sa pang-araw-araw na buhay ‘yong nangyari noong Sabado (October 27), sa final night ng competition na sinalihan niya. Kasi dalawa na kaming nanalo sa competition.”
Winner din kasi si Aljur ng Starstruck talent search ng GMA. Tagumpay na na-duplicate nga ng kapatid niyang si Vin nang manalo naman sa Artista Academy recently. “Napakalaking karangalan po talaga na ibinigay sa amin ng Panginoon. Kaya labis-labis ang tuwa at pasasalamat ng buong pamilya namin.”
Ngayong artista na rin ang kapatid niyang si Vin, hindi kaya magkaroon ng professional rivalry sa kanila? Lalo at hindi maiiwasan ngayon na magkaroon ng comparison sa kanilang dalawa.
“Ah… hindi na bago sa amin ‘yon. Nagsisimula pa lang po siya, pinagku-compare na po kami. Pinagku-compare kami kung sino ang mas magaling. Kung sino ang mas guwapo. Pero para naman po sa akin, eh… sa totoo lang po, sa nakikita ko sa kapatid ko, hindi ordinary ‘yong ginawa niya.
“Para sa akin, mas magaling siya kesa sa akin. Mas hinahangaan ko siya. Kasi may pagkakataon na siya, may oportunidad na siya noon na makapasok bilang isang artista kung gusto niya. Pero mas pinili pa rin niya na sa ibang istasyon mag-try ng kanyang luck. Na pumila siya sa audition. Pumila siya nang matagal. Nagkasakit pa siya. Pinagdaanan niya lahat ng hirap. Na hindi siya talaga humihingi ng tulong sa akin.
“Iyon ‘yung hinangaan ko sa kanya.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan