KUWENTO SA AKIN ng staff namin sa Startalk na nag-cover ng nakaraang Star Awards for Movies ng PMPC nu’ng nakaraang Martes, sina Ai-Ai delas Alas at Eugene Domingo raw ang nagpasaya sa awards night na ‘yun dahil siyempre wala silang ginawa kundi magpatawa nang magpatawa.
Si Ai-Ai kasi ang isa sa mga hosts at sa simula pa lang ay wala raw itong ginawa kundi patawanin ang mga audience.
Mabuti nga at nag-back-out si Gretchen Barretto kaya si Ai-Ai ang ipinalit. Naging masaya pa tuloy ang awarding na minsan ay tinutulugan na lang ng mga au-dience sa sobrang tagal.
Pero in fairness naman sa nakaraang Star Awards, mabilis daw ang pacing dahil may hinahabol silang oras na kailangang matapos.
Dahil sa pagpapatawa ni Ai-Ai, comedy film tuloy ang namayagpag sa awarding na ‘yun.
Wagi nga si Ai-Ai bilang Movie Actress of the Year at win ding Best Picture ang pelikula nitong Ang Tanging Ina Mo, Last Na ‘To, kung saan Best Director din si Wenn Deramas.
Si Eugene nga ang Best Supporting Actress mula sa pelikulang ‘yun na nakakatawa rin daw ang acceptance speech nito.
Natuwa naman ako para kay Coco Martin dahil siya ang nagwaging Best Actor sa pelikulang Noy at si Tirso Cruz III naman ang Best Supporting Actor dahil sa magaling niyang pagganap sa Sigwa.
Wagi rin pala itong indie movie ni Joel Lamangan na Sigwa bilang Best Digital Movie of the Year at siyempre, siya rin ang Best Director.
Ang nakakaloka lang, nagkuwento pa raw ang isa sa mga host na si Toni Gonzaga na da-ting crowd director si Joel, pero ngayon isa nang magaling na director. Ipinaliwanag daw nito kung ano ang crowd director, nag-react si Direk Joel dahil ang pagka-describe niya ng trabaho ng crowd director ay trabaho naman ‘yun ng crowd control.
Kasi naging crowd director nga si Joel sa pelikulang Himala na ang ginawa niya roon ay siya ang nagpupuwesto sa mga taong kasali sa pelikulang ‘yun.
Iba raw ang pagpapaliwanag ni Toni. Pero hinayaan na ‘yun ni direk Joel tutal win naman siya.
Ang isa pang sobrang touched nu’ng gabing ‘yun ay ang alaga kong si Christopher de Leon na nahirang na Ulirang Artista.
Maganda ang inihandang pagsaludo sa kanya at talagang ipinakita ng mga kapwa niya artista ang malaking paggalang sa kanya dahil tumayo silang lahat nang tinanggap ni Boyet ang naturang parangal.
Naku! Ayaw pa nga sana niyang pumunta dahil feeling daw niya ang tanda na niya para bigyan ng ganu’ng parangal.
Pero sa speech nga niya, nagpasalamat pa ito na ibinigay na sa kanya ang ganu’ng para-ngal na malakas pa siya at hindi uugud-ugod.
Congratulations din pala kay Mother Lily, dahil siya naman ang pinarangalan bilang Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera. Nagtanong pa raw si Mother Lily kung bakit daw sa likod ng kamera. Siyempre, hindi naman siya nakikita sa harap ng kamera, ‘di ba?
Ang isa pang natutuwa ako ay ang pagkapanalo ni Martin del Rosario bilang Best New Male Actor of the Year dahil sa maga-ling niyang pagganap sa indie movie niyang Dagim.
Isa iyan si Martin sa paborito ko ngayon dahil bilib na bilib ako sa magaling niyang pagganap bilang Berto sa Minsan Lang Kita Iibigin. Mukhang malayo ang mararating ng batang ito dahil napaka-sensitive niyang aktor.
Congratulations nga pala sa lahat na winners at pati na rin sa PMPC dahil sa nairaos nila itong pamamahagi ng Star Awards for Movies. Mapapanood pala ito sa Linggo, sa Sunday’s Best ng ABS-CBN 2.
NAKUNAN NG STARTALK sina Aljur Abrenica at Kylie Padilla na magkasamang dumalo sa Pinilakang Tabing ng Mowelfund na ginanap sa CCP nu’ng nakaraang Miyerkules ng gabi.
Nang interbyuhin na sana ito ng Startalk, biglang umiwas si Kylie at naunang umalis. Kasama rin kasi nila si Bela Padilla na kamag-anak din ni Kylie at sila na lang ni Aljur ang nagpa-interview.
Sinabi lang naman ng young actor na exclusively dating pa rin daw sila ni Kylie at tingin naman daw niya wala silang problema kay Robin Padilla.
Kapag lumalabas silang dalawa, nagpapaalam naman daw si Aljur at ang pagkakaalam daw niya nakakarating ito kay Robin.
Kuwento naman ni Bela, napagkukuwentuhan naman daw nila ni Kylie si Aljur pero siyempre sa kanila na lang daw ‘yun.
Basta inamin naman ni Aljur na si Kylie daw ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon at ganu’n din naman daw siya kay Kylie.
Siguro, hindi na kailangang tanungin pa sila kung “exclusively dating” pa rin ba sila dahil obvious namang sila na, ‘no!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis