MEDYO PUMAYAT AT naging lean ang pangangatawan ni Aljur Abrenica nang makausap namin noong Sabado, October 15, 2011 sa dressing room ng Zirkoh, Morato habang naghahanda siya para sa kanyang performance sa ‘The Yummies’ special show. Ang ‘The Yummies’ ay pinangungunahan nina Jose Manalo, Wally Bayola, Edgar Allan Guzman, Markki Stroem at Aljur.
Habang nag-aayos, humihirit kami ng tanong sa binata. Una naming inusisa sa kanya ang mga pinagkakaabalahan niya sa nga-yon. Hirit niya, “Ngayon siyempre sa Amaya, ‘yun talaga ang pinagkakaabalahan ko sa ngayon, Party Pilipinas, upcoming movies wala pa namang masyadong detalye, tapos ‘yung sports ko, nag-gi-gym ako, Muay Thai, tsaka ‘yung bago kong pinagkakaabalahan, ‘yung target shooting, firing.”
Bago sa pandinig namin ang firing na isa na raw sa pinaglalaanan niya ng oras. Bakit naman kaya ito ang napili niyang ‘sport’ sa ngayon? “Matagal ko na kasing gusto talagang mag-firing eh, lalo na’t naimpluwensiyahan ako ng dad ko, kasi magaling din siya sa firing, ngayon lang ako pinayagang humawak ng baril. Ngayon lang.”
Pangarap niya kaya ito dati pa? “Oo, bata pa lang ako ‘pag nakikita ko dad ko gusto ko na talagang humawak ng baril, pero hindi pa ako pinayagan kasi nga bata pa ako, ngayong 21 na ako pinayagan na ako na pumasok at sumabak sa sports na ito.”
NOONG SABADO, PORMAL na ngang ipinakilala si Mariel Rodriguez bilang co-host ng programang Wil Time Bigtime. Isang napakalaking pagsalubong ang inihanda ng Wil Productions at ng TV5 para sa pinakabagong Kapatid at miyembro ng malaganap na game show.
Nakausap namin si Mariel in between commercials ng show. Una naming kinumusta sa kanya ang kanyang naramdaman ngayong ‘reunited’ na siya sa mga dati niyang kasamahan.
Masayang bungad niya sa amin, “Thank you so much! It’s so overwhelming talaga. Kasi hindi ko naman ini-expect na ganu’n kainit ang pagtanggap nila sa akin talaga. Kasi sabi ko naman sa kanila na huwag na tayong mag-surprise, huwag na tayong gumawa ng kahit ano. Pero siguro more than that, ‘yung hindi n’yo nakikita sa camera, ‘yung pag-welcome sa akin kasi parang reunion eh, namin ni kuya Willie (Revillame), staff, halos lahat sila kilala ko lahat ‘yan eh, kaya hindi mo talaga maramdamang hindi ka nabi-belong. In all fairness, ‘yung mga ngayon ko lang na-kilala, katulad nina Sugar (Mercado), si Shalani (Soledad), sobrang mabait pala, sobrang ma-hinhin, baka pati ‘pag magtagal ako rito, pati ako rin mahinhin na.”
Inamin naman ni Ma, (ang tawag sa kanya nang mga malalapit na kaibigan) na nag-jive na ang kanilang ugali ni Shalani, pero pahabol niya, “Hindi lang ‘yun, mahahawa siya o ako ang mahahawa (sa kanya).”
Marami ang nag-aabang sa unang pagsalang ni Mariel sa programa kaya naman nag-trending sa Yahoo! Philippines ang episode noong Sabado sa kanyang unang sultada sa show.
Nang pumutok ang balitang lilipat na nga si Mariel sa TV5, lumutang naman ang mga haka-haka na kaya raw siya tuluyan nang nag-alsa balutan sa Dos ay dahil hindi na raw siya kasali sa magbubukas na bagong season ng PBB. Pero ito ay mahigpit niyang pinabulaanan.
“Well ang masasabi ko lang diyan is I’m very happy dahil no’ng na-offer sa akin ito (Wil Time Bigtime), hindi naman ako ni-let go ng ABS, in all fairness talaga, to them. They gave me a contract also, tinapatan nila, that’s the first time I got a network contract. All these years, wala akong network contract, and then they gave it to me and Big Brother was there.
“Big Brother was there, oo, pero ‘di ko alam kung ano ‘yung mga original nila na plan, pero in the contract that they gave, towards the negotiation, Big Brother was there. Pero kung may mga ganu’n, the best person to ask is ‘yung mga taga-roon. Kasi, ‘di ba, as far as I know, as stated in the contract, nandu’n ‘yun.
“Si-nave ko nga ‘yung contract eh, kasi ngayon lang ako nakatanggap ng ganu’n. Alam nila ‘yun kasi nu’ng binigay nila sa akin ‘yun sabi ko wow, sosyal.”
Twitter: @arnielcserato; Facebook: [email protected]; E-mail your blind items and hottest showbiz scoops sa [email protected].
Sure na ‘to
By Arniel Serato