MATAGUMPAY ULIT ang Father and Sons, the repeat concert last December 29, sa Zirkoh Tomas, Morato ng mag-aamang Aljur, Vin at Jojo Abrenica. Nauna na nga rito ang unang pagsabak ng tatlo sa entablado noong December 8, sa parehong ring venue.
Bago pa man sumalang sa stage si Aljur, nakapanayam namin ito sa backstage. Nagpaunlak naman ang Kapuso hunk ng mahabang panayam sa amin.
Sinasabing after ng Coffee Prince, kasama si Kris Bernal, sa iba munang leading ladies mapupunta si Aljur. Pero, sa panayam namin sa kanya, inamin niyang baka magbalik-tambalan sila sa 2013. “Well, first sabi sa akin si Sarah Lahbati kasi its Benjamin Alves and Kris naman daw. Ngayon, ‘yung latest na narinig ko, ako na naman at si Kris ulit. Pero wala pang final. Pero kung meron na, sabihin ko sa inyo agad.”
Dagdag pa ni Aljur, parang ang tambalan nila ni Kris ay isang suwerte sa bawat isa sa kanila. “’Yung nga ‘yung ipinagpapasalamat ko. Kasi kahit na lumipas na ang panahon, talagang ang Al-Kris may followers talaga, may following na hindi talaga sila bumibitaw. Siguro ‘yun ang ipagmamalaki ko sa loveteam namin ni Kris na kahit anong mangyari andiyan lang sila. Sobrang suwerte po namin ni Kris sa isa’t isa, ako sobrang suwerte ko sa kanya, kasi half of my career siya ang kasama ko”
Ano naman kaya ang maaasahan ng fans sa kanya sa 2013? “Well, more lovelife. Hindi, joke lang.”
So kumpirmado nga ang balitang hiwalay na sila ng kanyang rumored girlfriend na si Kylie Padilla? “Break? Ni Kylie? Wala namang magbi-break kungdi naman kami.”
Palasak na ngang maituturing, pero sa showbiz ay parang tradisyon na ang pag-amin sa relasyon kapag naghiwalay na. Ito rin ba ang kanilang sitwasyon? “Well alam naman nang tao eh. ‘Di ba kaya nga maraming tao ang nagri-react eh, ‘di ba nga hindi nga tumitigil. Gusto ko na lang gawing personal ‘yung mga usapin na ganyan. Well, oo, kasi bawat tao naman meron tayong mga personal na bagay na kini-keep natin sa buhay natin. And ‘yung mga espesyal na bagay lalo pagdating sa lovelife, alam naman ng tao eh. Ayoko lang kasing manggaling sa akin ‘yung word na oo. What you see is what you get na lang, ayoko na lang magsabi, ayokong mag-confirm na lang. Gusto kong i-personal na lang.”
So dahil sa rumors ng separation, ang lovelife in 2013 niya ay kanya ring muling pagsisikapan? “Inspirasyon lahat ‘yan eh. Pagdating sa mga ganyan, ‘yan ‘yung mga nagpapasaya sa mga buhay natin eh, nagpapakulay sa mga buhay natin ‘yung lovelife. Pero hindi pa rin natin siyempre bibitawan ‘yung karera natin. Hindi naman natin ipagpapalit ‘yan sa kung ano ‘yung naipundar natin (sa showbiz). Ini-enjoy ko at nag-eenjoy lang ako sa trabaho ko at buhay ko.”
Paiwas man si Aljur, pero minabuti naming hingan siya ng kanyang nararamdaman sa diumano’y hindi magandang takbo ng kanilang MMFF entry na Sossy Problems sa takilya.
Sabi nito, “Talaga? Ang masasabi ko na lang, hindi talaga kami natapos.”
Ang tinutukoy ni Aljur na ‘hindi natapos’ ay ang bali-balitang lumabas kailan lang na diumano ay may ilang araw pa dapat na shooting days na hiniling ang director nilang si Andoy Ranay sa management ng GMA pero hindi ito tuwirang napagbigyan.
Imbes daw kasi na five shooting days pa dapat ang gugulin ng director upang matapos at mapaganda ang pelikula, diumano ay isang araw lang ang pinayagan ng management kaya naman lumabas din ang isyu na diumano ay pinatanggal ni Andoy ang kanyang pangalan sa movie.
Nilinaw namin kay Aljur ang balitang ito. Una, may katotohanan bang hindi talaga ‘tapos’ o ‘buo’ ang Sossy Problems na ipinapalabas ngayon sa mga sinehan? Atubiling tugon nito, “Alam na ba ng mga tao na hindi natapos talaga?”
Eh ‘yung kay Direk Andoy? “May rumors talaga na ganu’n, eh. Well ang masasabi ko na lang diyan, kaming mga artists even the director, we did our best para pagandahin ang pelikula, also GMA. ‘Yun nga lang, siguro nahirapan po talaga kaming magkaisa-isa eh, sa schedule. Yeah we started naman sa tamang panahon, kasi ako ang dami kong shooting days pero hindi ako nakukunan (minsan) sa buong araw, kasi talagang pinapaganda ni Direk Andoy ‘yung pelikula. Siguro nagkulang lang talaga kami sa oras.”
Pagtatapos pa ni Aljur, “Desisyon na nila ‘yun, as long as alam namin sa sarili namin na we did our best at wala namang nagsisisihan at wala namang nang-aaway, basta good experience.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato