SA PAGSASAMPA ni Aljur Abrenica ng kasong judicial confirmation of rescission of contract laban sa GMA 7 na siyang nag-discover at nagbigay ng break sa kanya, marami ang natatakot sa ginawang hakbang ng aktor.
Ang ibinigay na rason ng kampo ni Aljur sa pangunguna ng abogado nitong si Atty. Ferdinand Topacio ay hindi siya nabibigyan ng respeto at pagpapahalaga sa career na gusto niya at hindi nagtutugma ang direskyon na gusto ng GMA sa direskyon na gustong puntahan ni Aljur pagdating sa career niya.
Usap-usapan din na may album na ginawa ang actor/singer na ang gusto raw na gawing titulo ng ilang taga- GMA Artist Center ay Nota para raw maging may pagka-naughty ang dating lalo’t may pagka-sexy ang actor.
May balita rin na lumabas na isa sa sobrang ikinasama raw ng loob ni Aljur ay ang pagkawala rito ng isang malaking endorsement, kung saan itinuturong ang naging problema raw ay sa panig ng Kapuso Network.
Para sa iba ay isang nakatatakot na hakbang ang ginawa ng aktor dahil hanggang 2017 pa ang kontrata niya sa GMA. Paano raw kundi palaring manalo sina Aljur sa kaso? Ang tiyak na mangyayari raw ay mapi-freeze ang career nito at lalong wala siyang pupuntahan?
May nakarating na balita sa amin na isang malaking network daw ang naghihintay kay Aljur kung saka-sakaling mapanalo nito ang kaso, may kuwento rin na isang kilalang talent manager daw ang hahawak sa career ni Aljur sa sandaling matapos ang kaso nito.
Sa amin lang, sa pagsampa ng kasong ito ni Aljur laban sa GMA, sana rin ay gumawa siya ng paraan para i-improve niya ang kanyang pag-arte dahil ito ang isa sa nakikita namin na kulang sa kanya. Kung totoo man na lilipat siya sa isang kilalang network na halos umapaw na nga sa dami ng mga mahuhusay na mga artista, baka kahit bigyan siya ng ilang proyekto ay mabale-wala rin kung katulad pa rin ng dating pag-arte ang ipakikita niya.
Sa showbizness, dumating at mawala na lang ang mga artista, hindi lang magandang mukha o matipunong pangangatawan ang puhunan para magtagal at gumawa ka ng sariling tatak sa industriya, kundi higit ang talento na magpapaangat sa iyo laban sa iba.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA