SI ALJUR Abrenica ang napiling gumanap sa life story ni Kristoffer King, ang sexy actor na lumalabas sa mga indie film na naging macho dancer. Isa ito sa mga tampok na kuwento na mapapanood sa Magpakailanman ngayong March.
Hindi pa raw ma-imagine ni Aljur ang kanyang sarili na nagma-macho dancing. Kailangan daw talaga niyang paghandaan ito.
“Bago po talaga sa akin itong pagma-macho dancing,” aniya. “Dahil kadalasan, kung sumasayaw ako… hiphop, ganyan. O iba pang klaseng genre ng sayaw.
“Pero itong macho dancing kasi… iba, eh. Kumbaga… may libog. Sensuwal. So, excited ako. Excited akong gawin ang proyektong ito.
“Pag-aaralan ko talaga ang pagsayaw ng macho dancing. Naghahanap ako ngayon ng magtuturo sa akin. Iyon ang winu-work out ko. Sinabihan ko ang production na sana may magturo.
“At saka personally, nagha-hanap nga ako. Nagtatanong ako sa mga kaibigan ko kung may kakilala silang talagang nagsasayaw sa gay bar na puwedeng magturo sa akin.
“Meron ding mga movies, ipinapapanood sa akin tungkol sa macho dancer. Nasa akin na ‘yong list ng mga kailangang panoorin. Medyo kinakabahan ako. Nati-tense ako!” natawang sabi pa ng aktor. Pero mas nai-excite akong gawin. Kasi nga talagang it’s something new for me.”
Ang girlfriend niyang si Kylie Padilla kinonsulta ba niya tungkol sa pagganap niya bilang macho dancer?
“Hindi naman kinonsulta. Nasabi ko sa kanya. At pati siya, na-excite. Na-excite siya sa gagawin ko. No’ng in-offer nga ito sa akin, inoohan ko kaagad. Kasi nga panibago ito sa akin, eh.
“Gustung-gusto ko ‘yong… may gawin naman akong bago. Dahil for the past few years, lagi akong sa soap, eh. And ito, ibang genre na… Magpakailanman. May gagampanan kang buhay ng isang tao. Kumbaga, nakaka-challenge. Kahit may pressure at nakaka-tense dahil true to life na kailangang pag-aralan mo ‘yong character na ipu-portray mo.
“Talagang nai-excite ako. Nag-i-enjoy ako habang pinaghahandaan ko ‘yong role.”
Open din kaya siya sakaling may mag-offer din sa kanya na mag-portray bilang macho dancer sa isang full-length movie naman?
“Ah… tingnan natin!” na-ngiting sabi ni Aljur. “Kasi dito pa lang sa Magpakilanman, sinasabi ko nang first and last ko ito na pagpu-portray bilang isang macho dancer. Pero tingnan natin. Hindi ko masasabi kung after nito, may mag-offer sa akin sa movie naman, uhm… tingnan muna natin.”
Ikinai-excite din daw ni Aljur ang pagpasok niya sa Indio. Ano ba ang kanyang magiging role sa nasabing fantasy series ng GMA na pinagbibidahan ni Senator Bong Revilla?
“Isa ako sa mga tutulong kay Indio… kay Senator Bong. First time ko po to work with Senator Bong. At isang malaking karangalan po ito. Iba ang feeling kasi na isang ekperyensiyadong aktor gaya niya ang makakatrabaho mo. Na siguradong may matututunan ka sa kanya.”
Balik-tambalan din sila ni Kris Bernal sa bagong serye ng GMA na Prinsesa Ng Masa. Pinaghahandaan na rin daw ni Aljur ang pagsisimula ng taping nila.
“No’ng nalaman ko na kami ulit ni Kris ang magkasama, natuwa ako. Lagi naman akong natutuwa na up to now… madalang kasi ‘yong loveteam na nagtatagal. So, parang isang malaking karangalan iyon, eh. Para sa loveteam namin na tinatangkilik pa rin ng mga tao.
“Kaya salamat sa mga patuloy na nagtitiwala sa amin. Salamat sa mga hindi nagsasawang sumuporta sa loveteam namin ni Kris.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan