HABANG MARAMI ang naunsiyami sa pag-asang dahil sumikat si Aljur Abrenica ay makahihilera siya sa kahusayan ni Dennis Trillo sa pag-arte. Hindi naman iyon nangyari, dahil nariyan lang talaga ang kasikatan ni Abrenica, pero ‘yung dating ng kanyang acting ability ay konting-konti lang ang naging improvement mula sa mga pagbatikos na para siyang tuod kung umarte. Sina Alden Richards at Kristoffer Martin ang dumating na magagaling palang umarte sa mga bagong pinasisikat ng GMA-7.
Mabilis na napansin si Alden, dahil ilang pelikula na rin ang kanyang nagawa ganu’n din ang mga teleserye. Sa nagtapos na teleseryeng Mundo Mo’y Akin, lalo na siyang lumutang bilang magaling na actor, kaya naman siya na nga ngayon ang leading man ni Marian Rivera sa teleseryeng Carmela.
Nagtiyaga naman si Kristoffer, na kahit hindi pa pambida ang mga papel na kanyang ginagampanan sa mga sinalihan niyang proyekto sa Siyete ay napansing may lalim siya kung umarte ‘tulad ng kanyang pinatunayan sa nagtapos niyang teleseryeng Kahit Nasaan Ka Man.
Pinagkukumpara na ngayon ang istilo ng pag-arte nina Alden at Kristoffer, at isang pahulaan na rin kung sino sa kanilang dalawa ang mas malayo ang mararating na kasikatan. Pareho sila ngayong bida sa mga teleserye nila.
“Okey naman kami ni Alden. Walang problema, walang inggitan. Mas okey na ‘yung pareho kaming napapansin, dahil pareho naman naming pinagbubuti ang aming mga trabaho. Happy nga ako na kapareha na siya ni Marian Rivera,” wika ni Kristoffer.
MABILIS LAGI ang desisyon na pagsamahin sa isang programa sina Kris Aquino at Kuya Boy Abunda dahil mahirap naman talagang tapatan ng kahit sino kapag silang dalawa na ang magkasama. Bago pa man naplano ang muli nilang pagsasama sa magiging bago nilang show, ang Aquino & Abunda Tonight, aware na ang ABS-CBN na marami ang may gusto na pagsamahin talaga sila dahil magkatapat nga ang talas ng kanilang mga utak sa pagho-host.
Pero mas maganda sana kung ang muling pagsamahan nina Kris at Boy ay Sunday show tulad ng The Buzz noon, dahil walang puwedeng bumanggang ibang programa mula sa ibang network nu’ng magkakasama pa sila nina Tita Cristy Fermin. Hindi na siyempre puwedeng makasama si Tita Cristy, pero laging posibleng magkasama sina Kris at Boy. Magkaibigan naman kasi sila, at alam nila sa kanilang mga sarili na masaya silang magkasama sa iisang show.
Naka-poste na sa Kapamilya network ang markadong kahusayan ni Boy bilang talk show host, kaya hindi siya mawawalan ng programa, ganu’n din naman si Kris. Laging maganda ang kanilang tambalan, dahil kapag magkasama sila sa show at napapasobrang mang-agaw ng eksena si Tetay sa kanyang pagiging taklesa at pakialamera ay mararamdaman ng mga televiewers na nagbibigay at nagpapasensiya sa kanya si Abunda.
ChorBA!
by Melchor Bautista