BUKOD SA tawag na Indie King na dating kay Coco Martin ikinakabit, si Allen Dizon din ang tinatawag ngayong Grandslam Best Actor at Most Awarded Actor. May pressure ba siyang nararamdaman tungkol dito?
“Matindi talaga ang pressure kasi dapat lahat ng gagawin ko ngayon ay okey. Hindi puwedeng papetiks-petiks lang, kasi titingnan nila ‘yung ginagawa ko. Dapat careful din ako para hindi nila sabihin na ‘ano ba ‘yan, ‘yan ba ‘yung nanalo ng maraming award, tapos hindi naman pala marunong umarte.’ So, nakakatakot din kahit papaano,” paliwanag ni Allen.
Tatlong international best actor ang napanalunan ni Allen sa Magkakabaung – sa 9th Harlen International Film Festival (New York), 3rd Hanoi International Film Festival (Vietnam) at sa 3rd Silk Road Film Festival (Dublin, Ireland).
Sa local award giving bodies ay nanalo naman siya sa MMFF New Wave Category, 13th Gawad Tanglaw, 17th Gawad Pasado, at sa prestihiyosong Gawad Urian.
Natapos na rin ni Allen ang isa pang indie film na Iadya Mo Kami sa direksyon ni Mel Chionglo. Sisimulan din niya ang Sekyu na ididirek naman ni Joel Lamangan.
Sey nga pala ni Direk Joel, comeback movie niya ito pagkatapos niyang atakehin at 2 linggong ma-confine sa Makati Medical Center.
La Boka
by Leo Bukas