HALL OF FAMER awardee na sa Gawad Pasado ang multi-awarded actor at bida-kontrabida ng pelikulang Walker ni Direk Joel Lamangan na si Allen Dizon.
Iginawad kay Allen ang Dambana Ng Kahusayan sa Pagganap dahil sa anim na beses niyang pagwawagi ng best actor (Pinakapasadong Aktor) sa Gawad Pasado para sa mga pelikulang pagganap sa mga pelikulang Lauriana, Magkakabaung, Iadya Mo Kami, Bomba, Alpha The Rights to Kill, at Mindanao.
Female counterpart naman ni Allen bilang Hall of Famer ng Gawad Pasado si Nora Aunor.
Mayroon ng 45 acting awards si Allen. Eleven dito ay galing sa mga international award giving bodies. Gaano ba kaimportante sa kanya ang magkaroon ng mga acting awards?
“Importanteng makatanggap ng mga acting awards kasi parang validation yon ng pinagpaguran mo bilang aktor sa industriyang ito. Pero hindi awards ang motivation ko sa mga pelikulang ginagawa ko. Importante sa akin yung tinawag na sense of fulfillment, na masaya ako sa ibinigay ko sa bawat roles na na-assign sa akin,” maikling paliwang ni Allen.
Sa bagong pelikula ni Lamangan ay muling matsa-challenge ang galing ni Allen bilang aktor. Ayon sa award-winning actor ito na raw ang pinakamasamang character na ginampanan niya.
“Challenging sa akin kasi yung character nitong Greg, eh, mabait sa asawa, pero may kabit, tapos tinitira pa yung kapatid ng kabit niya na may tama sa utak. So, hindi ba, parang walang konsiyensiya? Talagang demonyo siya, evil personified,” lahad ni Allen.
Sa totoong buhay ay aminado si Allen na meron din siyang tinatawag na “evil side.” Paano ba nati-trigger ang paglabas ng kanyang bad side?
Tugon ng aktor, “Siyempre ayaw mo yung niloloko ka. Ayaw mo yung ikaw totoong tao ka pero yung mga taong nakakasama mo hindi pala totoo, niloloko ka lang pala. Siguro yon lang, pero so far hindi pa naman ako dumating sa point na parang gusto kong pumatay ng tao… hindi pa do’n.”
Confrontational din daw siya pero madali namang lumamig ang kanyang ulo.
“Kasi ano ako, eh, confrontational ako in a positive way, na parang gusto ko maayos lang. Gusto kong pag-usapan ang lahat ng bagay kasi naniniwala ako na hindi naman lahat ay puwedeng daanin sa init ng ulo lalo na kung mapapasama lang.
“Tinitimbang ko rin kasi ang lahat, eh. Hindi naman puwedeng sugurin mo yung tao, suntukin mo. Oo, mainitin ang ulo ko, mabilis mag-init ang ulo ko kahit konting ano lang, pero after a while, konting tubig lang, kong relaxation lang ng mga five minutes wala na yon. Kumbaga tapos na.
“So kung ano yung nasabi ko, hihingi ako ng sorry, hihingi ako ng paumanhin kung may nasabi akong masama kasi tao lang tayo, eh,” paliwanag niya.
Anyway, kasama ni Allen sa Walker sina Sunshine Dizon, Rita Avila, Edgar Allan Guzman at marami pang iba.