PINAKA-CHALLENGING na pelikula ni Allen Dizon, so far, ang pelikulang “Bomba” (The Bomb). First time siyang gaganap dito bilang pipi na nagtatrabaho sa isang funeraria.
Kuwento ni Allen, “Kailangan ko talagang pag-aralan ‘yung sign language at gesture, may professional na nagtuturo sa akin. Nahirapan ako sa pag-aaral nito, naka-ilang sessions na kami at tuluy-tuloy lang ako sa pag-aaral. Siguro mga tatlong sessions pa ang gagawin namin.
“Palagay ko, ito na iyong pinaka-challenging na role na gagampanan ko, kaya may halong excitement din sa akin.”
Isa si Allen sa most awarded actor sa bansa. Kamakailan ay iginawad Film Development Council of the Philippines (FDCP) kay Allen ang Artistic Excellence Award na may kasamang cash incentives dahil sa kanyang unprecedented record ng panalo bilang Best Actor sa local at international filmfest para sa mga pelikula niyang “Magkakabaung” at “Iadya Mo Kami”.
Kapwa hinirang ng 15th Gawad Tanglaw at 19th Gawad Pasado na Best Actor si Allen para sa “Iadya Mo Kami”. Sa parehong academe-based group, pangatlong pagkapanalo na ito ni Allen. To set the record straight, naka 24 na acting awards na si Allen (20 best actor awards including Urian Best Actor at 5 international best actor awards, plus 4 na best supporting actor awards).
Sa kabila ng paghahakot niya ng tropeo, ayaw pa rin niyang paawat sa paggawa ng makabuluhang pelikula. Uumpisahan na niya ang pelikulang “Bomba” mula sa panulat at direksyon ng internationally- acclaimed director na si Ralston Jover. Ito ay isang social drama tungkol sa isang middle-aged person with disability (pipi o deaf) played by Allen na may madilim na nakalipas at may relasyon sa isang 16 years old na ginagampanan naman ni Angelie Nicole Sanoy. Isang bawal na pagmamahalan na may malungkot na wakas.
“Bukod kasi sa pagiging deaf, ang daming pagdarananan ng karakter ko rito. Emotionally, grabe ang tindi, pero I took it as a challenge. Iyong ending, grabe ‘yun, never ko pang nagawa ang ganoong klaseng acting. Saka most of my scenes puro mata, saka facial expression at ayaw talaga ni Direk Ralston ‘yung uma-akting. Mahirap talaga, pero kakaririn ko,” pahayag ni Allen.
Ang pelikula ay metaphor din kung ano ang nagbubunsod sa isang tao upang sumabog sa sitwasyon ng pagkagipit o kawalan ng pag-asa. May pasabog na wakas ang kuwento na kaabang-abang. Backdrop sa pelikula ang EJK at kasalukuyang kaganapan sa bansa.
Bukod kay Allen at Angellie Nicholle, kasama rin sa pelikula sina Allan Paule, Sue Prado, Felixia Dizon, Joel Saracho, Tabs Sumulong, Lucas Dizon, Romeo Lindain, at Kate Brios sa espesyal na papel.