PAGKATAPOS MANALO ng maraming local and international acting award, napansin na rin ng ABS-CBN ang indie actor na si Allen Dizon at naisama ito sa cast ng afternoon series na Doble Kara na pagbibidahan ni Julia Montes at magsisimula nang ipalabas ngayong Lunes (Aug. 24)
Para kay Allen, ito ang kanyang biggest break sa TV. Nagiging part naman daw siya noon ng mga teleserye, pero maliliit lang ang kanyang role na ginagampanan. Sa Doble Kara kasi ay si Allen ang ama ni Julia. Ibig sabihin, all through out the series, nando’n ang karakter niya, huh!
Ayon pa kay Allen, nagkaroon siya ng minor adjustment while taping for Doble Kara dahil mas nasanay siya sa paggawa ng indie films.
“Iba kasi ‘pag gumagawa ka ng indie, ‘yung nuances mo medyo maliit lang. Do’n ako medyo nahirapan. Kasi sa TV, dapat malaki ‘yung mga galaw mo. Buti na lang mababait ang director ko at inalalayan nila ako. Pagkatapos ng ilang araw ng taping, okey na ako,” kuwento pa niya.
Nag-decide din si Allen na hihinto na muna sa paggawa ng indie films para makapag-concentrate sa Doble Kara.
“Puyatan kasi ang taping sa soap opera at para mas maka-focus ako sa karakter ko rito, nag-stop muna ako sa paggawa ng indie. Buti na lang, meron pa akong natapos na dalawa – Iadya Mo Kami (Deliver Us) at Sekyu, at least, hindi ko mami-miss mag-indie,” sey pa ulit ng actor.
Nabanggit din ng actor na tinanggihan na rin ni Allen ang dapat sana ay pelikulang gagawin niya kay Direk Brillante Mendoza dahil sa Doble Kara.
La Boka
by Leo Bukas