DALAWANG best actor award ang napanalunan ng aktor na si Allen Dizon sa 22nd Gawad Pasado. First time itong nangyari sa award-giving body na ang isang aktor ay nanalo ng dalawang acting award sa magkaibang pelikula.
Wagi si Allen bilang PinakaPasadong Aktor para sa Mindanao kung saan ginampanan niya ang papel ng sundalong nakikipaglaban para sa bayan habang iginugupo ng sakit na kanser ang kanyang anak.
Wagi rin siya sa pelikulang Alpha The Right to Kill, kung saan gumanap naman siya bilang isang corrupt at immoral na policeman na ginagamit ng matataas na opisyal para sa business ng illegal drugs.
Ang dalawang pelikulang ito na idinirek ni Brillante Mendoza ay parehong nag- compete sa A-List International Film Festival na parehong dinaluhan ni Dizon. Alpha The Right to Kill sa San Sebastian Film Festival sa Spain at Mindanao sa Cairo International Film Festival in Egypt.
Sa kasaysayan ng Gawad Pasado ay naka anim na best actor award na si Allen. Nanalo siya sa Lauriana (2014), Magkakabaung (2015), Iadya Mo Kami (2017), Bomba (2019) at ngayong 2020 para sa Mindanao at Alpha The Right To Kill.
Sa susunod na taon ay inaasahang igagawad na kay Dizon ang Gawad Pasado Dambana Ng Kagalingan bilang PinakaPasadong Aktor (Best Actor Hall of Fame).
Si Dizon ang magiging male counterpart ni Nora Aunor sa Gawad Pasado na nagawaran na rin ng Gawad Pasado Dambana ng Kagalingan (Best Actress Hall of Fame). May pagkakataon din na nanalo si Ms. Aunor para sa dalawa niyang pelikula sa Gawad Pasado – sa Hustisya at Dementia noong 2015.
Ang Gawad Pasado ay award giving body na binubuo ng mga dalubhasang guro mula sa iba’t ibang unibersidad sa Pilipinas.