‘DI KO alam kung bakit ganitong ngalan ang tawag sa akin. Mahigit nang limang taon akong nakikitira kay Manang Posing sa isang barong-barong sa gilid ng tambakan sa Payatas. Wari ko’y itinuring na akong anak niya kasama ng dalawa pang babaeng anak sa unang asawa. Sila ay sina Maria, 9; at Nieves, 12. Sabi nila, ako ay edad 15. Wala akong pakialam.
‘Pag suwerteng araw, kumikita kami ng P180 mula sa scraps ng carton, metal at soft drinks na nakukuha namin sa tambakan. Dahil sa marami ring nangunguha, ‘di madalas ito. Kalimitan, inaagaw pa sa amin ang nakolekta ng mga salbahe. Sanay ang ilong namin sa umaalingasaw na baho at sa mga ba-ngaw na nagpipiyesta sa basura. Minsan isang beses lamang kaming maligo ‘pag napadaan ang bumbero sa lugar. Paghihiso ng ngipin ay ‘di pa namin nararanasan o pagsasabon ng mabango.
Si Manang Posing, 67, ay may hika at ‘pag minsan, sumusuka ng dugo. Sina Maria at Nieves ay lagi ring umuubo dahil sa ‘di nagagamot na sipon. ‘Pag nagtungo kami sa Health Center, kami ay itinataboy.
Nabanggit minsan ni Manang Posing, ako’y tubong Cebu. Kung papaano niya ako nadampot sa ‘sang eskinita sa Divisoria, ‘di niya maipaliwanag. Iniwan daw ako roon ng ‘di kilalang tao at ako’y kinaawaan niya.
Minsan, may dalawang matabang babae ang kumausap kay Manang Posing. Naulinigan at naintindihan ko ang pakay nila. Sa halagang P500 ako’y kukunin para magtrabaho sa isang bar sa Bulacan. Ewan kung anong nangyari sa pag-uusap nila.
Dati-rati sa tambakan sa Dagat-dagatan, Tondo kami nakatira. Ngunit ang munti naming kubo ay tinangay ng malakas na agos nu’ng typhoon Ondoy. Natatandaan ko’y maraming naanod sa baha na mga bata. Kundi nakakapit si Manang Posing sa isang poste, nanganib na rin ang kanyang buhay.
Dito sa Payatas, magaan-gaan ang buhay. ‘Pag minsan, binibigyan kami ng P50 ng barangay chairman para sumama sa rally sa Batasang Pambansa. ‘Di pa kasama rito ang libreng pagkain, tsinelas at T-shirts. May pumupunta rin ditong pulitiko para mamigay ng gamot, damit at pagkain.
Ngalan ko raw ay Alma Kirat. Maaaring ‘yan din ang ngalan ng maraming batang katulad ko, yagit at tuod ng lipunan. Ano at sino ang lipunan?
SAMUT-SAMOT
NAPABALITA NA ‘di titigil si P-Noy sa pagbatikos sa media. ‘Yan daw ang payo sa kanyang ni Usec Ricky Carandang. Sabi ng isang tagapagsalita, walang makapipigil kay P-Noy sa paggawa ng palagay niya’y tama. Marami raw sektor ng media ang abusado, walang makitang maganda at tama sa pamahalaan. Watch out, Noli de Castro!
SAME, SAME. O, pare-pareho, taun-taon. Problema ng baha, paglilikas ng taong nininirahan sa tabi ng ilog, clogged canals, umaapaw na dams at sira-sirang kalye. Wala na bang permanenteng solusyon sa mga ito? ‘Di lamang pamahalaan ang may sala at kagagawan. Sama-sama na tayong lahat. Walang pagmamalasakit sa kalikasan – at kapaligiran. Kailan tayo matututo?
ISANG LINGGO ko nang iniinda ang ‘di maalis na kirot sa aking balikat na tumatakbo sa kaliwa at kanang kamay. Dahil sa sakit, kinakapos ako ng hininga. Su-balit nakapagtataka, nakapaglalakad naman ako nang mahusay at araw-araw nagte-treadmill for 40 minutes. Kung sakit sa puso, ‘di maaaring mga exercises na ito. May tinatawag na “spondialyses” na sakit sa leeg at balikat. Na-diagnose na ako nitong nakaraang 3 taon. Isa sa dahilan ang pagtanda. At ang gamot ay weekly therapy. Ngunit nakaliligtaan ko. Talaga ang pagtanda ay kalbaryo. Kung anu-ano na lang uri ng sakit. Kadalasan, sasapian ka pa ng nerbiyos. At ito ang pinakamabigat.
NAPAKASALIMUOT ANG isyu ng RH bill. Banggaan ang simbahan at pamahalaan. Bilang tapat na Katoliko ako’y panig sa posisyon ng simbahan. Sa kabilang ibayo, may katuwiran din ang pamahalaan. Dalawang puwersang immovable. Sa ginagawa kong weekly food feeding sa mga depressed areas sa Pasig City, naglipana ang mga pulu-pulutong na mga bata. Hubad, malnourished at sakitin. Kanilang mga magulang, naka-instambay, nag-iinuman at nagsusugal. Ano ang kahulugan ng buhay nila? Palobo-lobo ang populasyon. Papalo na tayo ng 100 milyon. Anong take ninyo?
NAKABABAGOT ANG maghapon ng isang retiree. Paikut-ikot lang sa bahay. Bukas ng TV. Magbasa ng magazine at dyaryo. Pagkatapos kumain, iidlip at sisimba sa hapon. Ganyan ang routine. Bagabag din siya ng mga sakit at discomforts. Sa mata, pag-ihi, paglakad, blood pressure at kung anu-ano pa. Grabe ang gastos sa mga prescribed medicines. Lagi pa siyang inaatake ng kaba o ‘di maipaliwanag na nerbiyos.
MGA ILANG araw ding nalubog sa baha ang St. Anthony Church sa kanto ng San Andres at Singalong, Malate, Manila. Natatandaan ko pa na ilang taon pa lang, naayos na ang drainage system nito at ‘di gaanong binabaha ang lugar. Subalit nu’ng hinukay ng isang water concessionaire ang kalsada para a-yusin ang mga tubo ng tubig, nabulabog ang maayos na drainage system at balik na naman sa dati ang perhuwisyong baha na umaabot na hanggang baywang. Akala ko ba sinusunod ang synchronized public works projects para ‘di mag-suffer ang drainage system. Sayang lang ang malaking ginugol para ayusin ang drainage system na ito, wawasakin lang pala ng isang water concessionaire. Dapat panagutin ang kumpanyang ito sa mga pinsala at perhuwisyong naidulot nito sa mga residente at parishioners ng St. Anthony Church na araw-araw kong dinadaluhan ng misa.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez