NAKAKALOKA! LALONG pinag-usapan ngayon ang sinasabing merger ng GMA-7 at TV5. Tuloy na raw talaga ang bentahan?
Ang dami ko namang nakakausap at may mga nasagap din silang kuwento. Kaya lang ang hirap ding ikuwento kasi puro haka-haka pa lang naman. Mabuting hintayin na lang natin ang announcement ng mga big bosses siguro, ‘di ba?
Kaya lang, ang mga artista ng bawat network ay hindi alam kung ano talaga ang totoo. Lalo ang mga Kapuso artists na tanong nang tanong sa amin kung ano na talaga.
Ang iba, na-excite kasi para mas marami raw mararaket. Meron sa GMA-7, meron din sa TV5. Bongga nga ‘yun!
Ang iba naman, natatakot din dahil baka mas lalo silang mawalan ng raket, at dumadami na ang mga artista.
Nang pinag-usapan ‘yan, marami raw sa mga artista sa ABS-CBN 2 ang nagkakainteres na lumipat. Parang mas type nila, dahil hindi lang isa ang TV network kundi magiging dalawa na. Kaya bongga ang raket kung dalawa ang pinagtatrabahuan mo.
Ang sabi pa raw bago matapos ang November ay ilo-launch na itong bonggang-bonggang merger kaya tingnan na lang natin.
Pero kung ako ang tatanungin n’yo? Parang may bahid ng katotohanan ito. Kaya lang, marami pang puwedeng mangyari, kaya abang na lang tayo. Bahala na si Lord!
ANG DAMI na ngayong naglalabasang pangalan sa showbiz na may balak na raw tumakbo sa darating na eleksyon.
Ang isa nga sa pinag-uusapan ay si Alma Moreno na desidido na talagang tumakbong senador sa ilalim ng partido ni Sen. Bong Revilla na Lakas-CMD. Desidido na raw talaga siya dahil gusto naman daw niyang patunayang kaya niya.
Kung sa bagay, si Sen. Lito Lapid nga, matatapos na ang term niya sa Senado, ipinagmamalaki pa rin niyang naging senador siya kahit high school graduate lang siya.
Lahat may karapatang tumakbo, ‘di ba? Kaya bahala na ang taumbayan.
Buong-buo na raw kasi ang suporta ng mga anak at mga malalapit na kaibigan ni Alma sa balak niyang pagtakbo kaya lalong lumalakas ang loob niya. Pero sa huling survey ngayon, hindi pa lumulutang ang pangalan niya, kaya ewan ko kung desidido pa rin siya.
Ang iba pang naririnig kong balak na ring tumakbo ay sina Onemig Bondoc at siyempre si Annabelle Rama na lagi ngayon sa Cebu dahil sa binabalak nga niyang pagtakbo.
Sabi nga niya, bakit daw si P-Noy, wala sa plano niya ang tumakbong presidente, pero heto nga at presidente na siya. Kaya sinusunod lang daw niya ang hiling ng mga Cebuano na tumakbo siya.
Tingnan na lang natin bago matapos ang taong ito, dahil feeling ko marami pa riyan ang nagbabalak na tumakbo, kaya masaya na naman ‘yan.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis