PALIBHASA PURO magagaling ang artista ni Wenn V. Deramas kaya walang kahirap-hirap na natapos niya ang pelikulang Wang Fam na may premiere night on Tuesday, November 17 at SM Megamall, showing on Wednesday nationwide. Hindi nagpatalbog ang child wonder na si Alonzo Muhlach sa mga eksenang katatawanan with Pokwang at Benjie Paras.
Nakikipagsabayan ang child star sa mga batuhan ng dialogue sa kanila. Bibong-bibo ang bata na lalong ikinatuwa ni Direk Wenn. Say nga ng box-office director, “Kapag magaling ang mga artista mo, maraming eksena kang makukunan. Madadali ang trabaho at maaga kaming makauuwi. Tulad ni Alonzo, magaling na bata, masarap siyang idirek.”
Sinang-ayunan naman ni Powkie ang papuring sinabi ni Direk Wenn, “Mabilis ang pick-up ni Alonzo. Sasabihin lang ni Direk Allan (assistant director ni Direk Wenn) sa kanya ang sitwasyon at ang linya – bingo, kuha agad ng bata ang dialogue with feeling. Bihira sa bata ang may ganung talent sa pag-arte.”
Hilig naman kasi ni Alonzo mag-artista tulad ng kanyang ama si Niño Muhlach na naging child wonder noong dekada ’80-‘90. Lahat ng pelikula ni Niño, puro box-office success kaya naging poborito siyang anak-anakan sa pelikula ng mga batikang artista tulad nina Fernando Poe, Jr., Vilma Santos, Dolphy, Amalia Fuentes, Eddie Garcia, Phillip Salvador, at iba pa. Tulad ni Niño, kapag nasa shooting si Alonzo, naglalaro lang ito, pero kapag sinabi na ng director na take na, seryosong nakikinig sa instruction na parang matanda. Ang nakatutuwa, nagagawa niya nang tama ang role na ginagampanan niya. Paborito rin si Niño ng yumaong director na si Lino Brocka na siyang nag-direk ng Ang Tatay Kong Nanay with the comedy king Dolphy and Phillip Salvador.
“Nasa dugo ni Alonzo ang pag-aartista tulad ng kanyang amang si Niño at mga tito at tita na sina Aga Muhlach, Arlene Muhlach, Liezel, at ang movie queen na si Amalia Fuentes. lahat sila gumawa ng pangalan sa movie industry at hanggang ngayon, active pa sina Aga, Arlene,at Niño sa paggawa ng pelikula at telebisyon.
Ngayon palang umaariba na ang TV commercial ni Alonzo with his dad Niño. May mga naka-line-up pang product endorsements na gagawin ang bagong child wonder. Lalo na siguro kapag ginawa na nito ang launching movie niya with Direk Wenn V. Deramas under Viva Films, lalong darami ang TV commercial nito. Kasama rin si Alonzo sa cast ng pelikula nina Vice Ganda at Coco Martin for Metro Manila Filmfest 2015.
At early age, kumikita na si Alonzo, may sariling savings na ito, ayon kay Niño. Gusto niyang maging secure ang future ng anak tulad ng ginawa sa kanya ng amang si Cheng Muhlach. Lahat ng kita ng anak sa pag-aartista, inilalagay ni Nino sa banko. Iba raw kasi kapag may sariling pera si Alonzo. Tulad niya, nang tumigil siya sa pag-aartista, nakapagpatayo siya ng condo, ang El Niño Apartelle in P. Tuazon, Quezon City.
Pahayag ni Niño,” Ngayon pa lang inuumpisahan na naming mag-asawang i-banko ang earning ni Alonzo for his future. Para kapag dumating ‘yung time na ayaw na niyang mag-artista, may sarili siyang savings na kinita niya. Kahit hindi siya mag-artista, okay sa amin. Hilig talaga niyang umarte in front of the camera. You never know kung hanggang sa paglaki niya, pag-aartista pa rin ang gusto niya. Gusto naming ‘pag lumaki na siya, ma-realize niya ang value ng pera na pinaghirapan niya.”
Hindi apektado si Niño kapag sinasabing stage father na raw ang drama niy sa anak na si Alonzo. Paliwanag niya, “Hindi ako affected, wala sa akin ‘yun, kahit ano pa ang itawag nila sa akin. Natural sa isang ama na protektahan ko ang anak ko. Hindi naman ako nagbabantay sa set. May sarili siyang yaya at handler na nag-aasikaso sa kanya sa shooting. Ako naman, either ihahatid ko siya sa location at susunduin ko kapag tapos na siyang mag-shooting kapag hindi ako busy. Hindi ko binabantayan ang anak ko, gusto ko siyang matuto on his own. Alam ni Direk Wenn, darating ako sa set, babati lang ako kina Direk Wenn at sa cast tapos alis na kami ni Alonzo.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield