NAGIGING VIRAL ngayon sa mundo social networking sites lalo na sa YouTube at Instagram ang mga sikat na personalidad na nagpapabuhos o binubuhusan ang sarili nila ng malamig na tubig na may kasama pang mga piraso ng yelo. Mabilis na naging usap-usapan ito dahil ang mga maimpluwensyang tao na gaya nina Bill Gates, Mark Zuckerberg ay ginawa rin ito. Ano nga ba ito? At para saan nga ba ito?
Ang ALS Ice Bucket Challenge ay isinasagawa para magpakita ng suporta sa mga taong may sakit na ALS o Amyotrophic Lateral Sclerosis o motor neuron disease. Ito ay ang hindi normal na paggalaw ng muscle sa utak. Puwedeng ito ay masyadong sumisikip. Puwede rin na para bang hinihila ang muscles na apektado nito. Pahina rin nang pahina ang mga taong mayroong ALS. Nagkakaroon din sila ng abnormalidad sa pagsasalita. Nahihirapan din sila sa paghinga. Ito ay ang isa sa limang motor neuron diseases na laganap sa Estados Unidos.
Sinasabing ang nagpasikat ng ALS Ice Bucket Challenge ay ang Golf Channel Morning Show. Ipinakita nila sa TV ang mga ice bucket challenge video. Ginawa rin nila ito nang live noong nakaraang Hunyo lamang. Matapos nito, noong Hulyo 15, si Chris Kennedy, isang manlalaro ng golf ay ginawa ito at hinamon niya ang kanyang pinsan na si Jeanette Senerchia ng Pelham, NY na may asawang nakikipaglaban sa sakit na ALS sa loob ng 11 taon.
At dito na nga nagsanga-sanga ang pagsasagawa ng ALS Ice Bucket Challenge. Maraming versions ang nasabing challenge. Mayroon na hinahamon ang lahat na magsagawa ng challenge at kung hindi ito magawa, kinakailangan nilang mag-donate ng pera sa ALS charity. Mayroon din naman na sa bawat pagsasagawa ng ice bucket challenge, may kakabit na itong donasyon agad sa charity. Isinusulong ng ALS Ice Bucket Challenge ang mapalakas ang pagsuporta ng mga tao sa sakit na ALS. Nang dahil din dito, lumalaki ang pera na tulong sa mga may sakit.
Noong hindi pa laganap ang ALS Ice Bucket Challenge, mahina raw talaga ang suporta na natatanggap ng mga taong may ALS. Pero nang ito ay naging matagumpay na naisulong, ang public awareness at mga tulong na natatanggap ay napaigting. Base sa datos, noong nakaraang Agosto 14 lamang, nakalikom na 15.6 million dollars ang ALS Association. At malayung-malayo ito mula sa 1.8 million dollars na natanggap noong nakaraang taon.
Simple lang naman ang patakaran ng ALS Ice Bucket Challenge. Kailangan mo lamang video-han ang iyong sarili na isinasagawa ang hamon nang tuluy-tuloy. Sa una, dapat sabihin mo kaagad na tinatanggap mo ang ice bucket challenge. Pangalawa, ibuhos sa sarili o magpabuhos ng malamig na tubig na may yelong kasama. Pangatlo, magbigay ng tatlong tao na iyong hahamunin. Para sa mga taong hinamon, kinakailangan isagawa ang challenge sa loob lamang ng 24 oras.
Ito na siguro ang isa sa pinakamagandang nangyari sa mundo ng social media. Sana ay dumami pa ang mga gaya nito. Sa ating maliliit na mabubuting gawa, kung mapagsasama-sama, may mararating na maganda.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo