AFTER BEKI Boxer at JasMine, pahinga na muna sa gay roles si Alwyn Uytingco at baka ma-stereo type siya sa roles na kabadingan – sa TV man o pelikula. Kung sa Beki Boxer kasi ay “discreet” siyang boksingero, sa JasMine naman ay all-out witty na gay blogger naman ang kanyang role.
“After this, ‘wag muna gay roles, ‘di naman kasi ‘yun ang target namin ng manager ko (Manny Valera), gusto ko sana ay ‘yung naiiba naman,” sabi ni Alwyn na very happy sa pagtatapos ng Beki Boxer ng TV5 ngayong gabi, July 4.
Nabanggit din ni Alwyn na apat na taon nang going strong ang relasyon nila ni Jennica Garcia, at nang tanungin kung ano ang sikreto nila? “Si God, wala nang iba pa,” ang tugon ng actor.
Pangarap rin ni Alwyn na maging director ng indie film someday, pero aniya, si Jennica raw ay hindi papayag na idirek niya. “Ayaw niyang idirek ko siya, baka raw kasi mailang siya, o ‘di niya ako seryosohin. Baka raw ma-awkward siya o ‘di niya ako sundin. Pero eventually, pipilitin ko siya.”
Willing nga raw maging P.A. o personal assistant muna si Alwyn sa indie fims, dahil gusto niyang maranasan ang mababang posisyon sa filmmaking, bago hopefully maging direktor.
Unforgettable rin daw kay Alwyn ang mabigyan ng break ng TV5 sa pagbida sa Beki Boxer. Towards the ending ng serye, may laban din siya sa isang Chinese boxer sa istorya na gagampanan ng real-life Hong Kong professional boxer na si Rex Tso. Mare-reveal na rin ang tunay na kabadingan ng kanyang karakter.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro