NATAPOS NA ni Ana Capri ang shooting niya para sa indie film na Pare Mahal Mo raw Ako. Bida rito si Nora Aunor at kasama rin sina Edgar Allan Guzman at Michael Pangilinan sa direksiyon ni Joven Tan.
“It was short. But it’s worth it and it was fun,” sabi ni Ana. “Refreshing sa pakiramdam. Kasi I’ve been waiting so long na matupad ‘yong dream ko to be working with her. Kahit short lang ‘yong role ko, I enjoyed every minute of it.”
Ano ang masasabi niyang pinakaimportanteng natutunan niya sa pakikipagtrabaho sa Superstar?
“To be humble. Nakabibilib na kahit siya ang nag-iisang Superstar ng Philippine movie industry, she remained to be humble. Nakita ko ‘yong sobrang humility niya. Tapos ‘yong pasundut-sundot na pagkukuwento niya na parang… sa dami ng mga pinagdaanan niya, never mo siyang makikitaan ng regret. Na parang… everything for her is a new adventure.
“And I was able to ask her a question nga sa minsang pag-uusap namin. Curious lang ako kaya natanong ko siya… sa dinami-dami ng magagandang role na ginawa mo at lahat ‘yon ay remarkable, ano pa ba ‘yong masasabing dream role pa rin para sa isang Nora Aunor. Tapos ang sagot niya… every role is a dream role. At na-realized ko… oo nga naman!”
Sa istorya ng Pare, Mahal Mo Raw Ako ay isang lesbian si Nora. At si Ana ang gumaganap na girlfriend niya.
“Pero hindi nakasentro tungkol sa love story o pakikipagrelasyon sa kapwa babae. It’s more of ‘yong relationship ng nanay sa anak niya, silang mag-ina (portrayed by Nora and Edgar Allan Guzman).
“Parang closet lesbian ‘yong character ni Nora so hindi alam ng anak niya. Tapos ‘yong anak naman niya… closet gay naman. Dahil do’n, hindi sila magkakaintindihan. Magkaka-conflict ang relationship nilang mag-ina. Tapos hindi rin ma-reveal ng anak niya na gay siya. So, naghiwalay sila ng bahay. Pag-alis ng anak sa bahay, ‘yong mommy naman niya, nagkaroon ng ka-live in. Which is ako nga. Tapos, ‘yon din ang time na crucial para sa anak niya na in love naman sa bestfriend na magpapakasal naman sa babae. So… ‘yon ang conflict. Ayoko nang magkuwento pa dahil magi-give away na lahat.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan