AS EXPECTED, pinilahan ng moviegoers ang latest Star Cinema offering na The Love Affair, kung saan bida sina Dawn Zulueta, Richard Gomez, at Bea Alonzo. Naka-P15 million ito sa unang araw pa lang ng pagpapalabas nitong Miyerkules, August 12.
Masaya ang buong cast sa tagumpay ng pelikula. Si Ana Capri na stepmother ni Bea, very proud daw na naging bahagi nito.
“It’s really a good film,” sabi ng aktres. “May pagka-kontrabida ang role ko pero maganda. Sa story ay asawa ako ni Al Tantay na siyang tatay ni Bea. “Isa sa matinding eksena naming dalawa ni Bea, ‘yong pinalalayas ko siya sa bahay ko. Feeling ko, dahil sa scene na ‘yon, ihi-hate ako nang sobra ng mga fans niya!” sabay tawa ni Ana.
“Kasi talagang minumura-mura ko si Bea. Medyo ang hirap nga para sa akin na gawin ‘yon. Kasi, ‘di ba… ‘yong hitsura ni Bea na ang amo ng mukha at napaka-sweet, mumura-murahin mo? Parang nakakokonsiyensiya sa pakiramdam.
“Pero siyempre, kailangang gawing makatotohanan ‘yong eksena. So, hinugot ko na lang ‘yong maldita side ko sa totoong buhay kapag nagkakaroon ako ng bad day na umiinit ang ulo.
“’Yong character ko, plastikada. ‘Yong doble kara, kumbaga. Na… bait-baitan ako kay Bea kapag nasa harap kami ng tatay niya na asawa ko nga. Meron ngang isang eksena na natatawa ako, e. Ito ‘yong parang makikitira siya sa ibang bahay instead na sa amin. E, ayaw kong tumira siya sa bahay namin. Pero si Al Tantay na asawa ko at tatay niya, sabi sa kanya… dito ka na tumira. Tapos sabi ni Bea… hindi, do’n na lang ako sa bahay ng kaibigan ko. Ako naman, kunwari concern na… sigurado ka? Okey lang naman na dito ka kasi alam mo naman na my home is your home.
“Tawa ako nang tawa sa dubbing no’ng pinanonood ko ‘yon. Kasi sobrang ang plastic ko sa eksenang ‘yon. Hanggang sa dumating nga sa punto na nag-away kami nang matindi ni Bea. Tapos pinagmumumura ko siya nang husto habang pinalalayas sa bahay ko.”
Halos lahat na yata ng roles, nagampanan na ni Ana. Pero alin ba ang mas mahirap sa kanya, mag-portray ng mabait na character o maging kontrabida?
“Parehas lang naman. Depende. E… kapag maldita ang mood ko in real life dahil halimbawa hindi maganda ang naging araw ko, ang hirap maging mabait, ‘di ba?” tawa ulit ni Ana.
“And then kapag I’m having a good day naman na masaya ako, ang hirap namang maging salbahe. ‘Di ba? Pero siyempre, it’s part of work. Kailangan ilalagay mo ‘yong sarili mo ro’n at kalilimutan mo ang personal mo.”
Isa si Bea sa itinuturing na mga bagong henerasyon ng magagaling na aktres. At nakita rin daw ni Ana iyon sa panahon na sini-shoot nila ang The Love Affair.
“First time ko lang siyang makatrabaho. And she’s very professional. At saka she’s very focused and supportive. Iyon ang napansin ko sa kanya.”
Supportive si Bea in what way?
“Sinusuportahan niya ako sa mga eksena namin. Nakita ko rin ‘yong ganyan kina Nora (Aunor), kay Vilma (Santos)… which I’m trying to apply rin. Kasi for me it’s an act of professionalism talaga. Na kahit hindi ka na makita sa camera, you still give the best reaction and emotion do’n sa eksena para sa co-actor mo. Gano’n si Bea.
“Sometimes kapag nagtu-throw kami ng lines, kahit ako lang ang kita sa camera, she still gives her best. For me that’s the best part of working with Bea. And I really admire her for that. It’s really nice to watch her habang ginagawa ang trabaho niya. It’s nice to work with her.
“Because I know that I can also learn something from her as well. Kasi siyempre, ‘di ba… she won’t be Bea Alonso if she doesn’t know what’s she’s doing… right?” sabi pa ni Ana.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan