MATAGAL NANG pangarap ni Ana Capri na makatrabo si Nora Aunor. Kaya naman sobrang saya niya nang i-offer sa kanya ang indie film na Pare, Mahal Mo Raw Ako, kung saan bida ang Superstar.
Isang lesbian ang role dito ni Ate Guy at si Ana ang gaganap na girlfriend nito. Kasama rin sa cast nito sina Joross Gamboa, Edgar Allan Guzman, Matt Evans, at Michael Pangilinan sa direksiyon ni Joven Tan.
“Siyempre ano, kahit sino naman na maalukan na makatrabaho si Ate Guy. And of course the rest of the cast, I’m excited to work with them,” sabi nga ni Ana.
“And parang reunion na rin namin ni Direk Joven Tan na ilang beses ko na ring naging direktor before. Pinakahuli kong ginawa with him ay ‘yong indie film na SRO. No’ng in-offer sa akin ito, oo agad ang sagot ko. Nagpaalam pa ako sa taping ko for All Of Me, ‘yong bagong teleserye ng ABS dahil nataon na kasabay ang first shooting day nitong movie with Ate Guy. Nagpaalam talaga ako na hindi makapagte-taping para makapag-shoot ng movie with Ate Guy. Mula sa umpisa pa lang na mag-artista ako, meron na akong bucketlist ng mga artistang dream kong makatrabaho. At siyempre kasama nga sa list nito ang nag-iisang Superstar. Na basta makatrabaho ko si Ate Guy, si Christopher de Leon, si Maricel Soriano, at si Vilma Santos, chikabels na ako!” natawang sabi pa ng aktres.
Hindi raw kaba kundi excitement ang nangibabaw kay Ana nang kunan ang mga eksena nila ni Nora. Nagsilbing special motivation daw ito for her na parang naging hyper ang kanyang feeling.
“‘Yong mga nakunang scenes namin like ‘yong first time na natanggap ako ng anak niya bilang partner nga niya, less ang dialogues ko pero mabigat ‘yong karga. Hindi lahat ay nabibigyan ng chance to work with Ate Guy. Kaya thankful ako, kasi working with her na isang institusyon na sa industriya, may mga matututunan ka, e.”
Aminado si Ana na na-starstruck siya at na-lost in thoughts no’ng unang beses niyang nakaharap si Nora.
“Umiral ang pagka-fan ko! Hahaha! Pero no’ng nagsimula na kaming magtrabaho, hindi ako na-intimidate. Napaka-simple kasi niya at ang bait kaya madali akong naging at ease. Lahat ng tao sa set, binabati niya. Very polite and down to earth.”
Kuntento raw sa takbo ng kanyang career ngayon si Ana. Hindi kasi siya nawawalan ng gagawing pelikula at maging ng teleserye.
“Tinatapos ko ngayon ‘yong movie with Dawn Zulueta, Bea Alonzo, and Richard Gonez sa Star Cinema. Nakapagsimula na rin kaming mag-taping para sa All Of Me. Kasama ko naman dito sina JM de Guzman, Yen Santos, Albert Martinez, Ina Raymundo, Angel Aquino, Aaron Villaflor, Jordan Herrera, at saka marami pa.
“Mom ni Yen Santos ang role ko rito. Sa story, bale ako ‘yong source of strength at guidance niya.”
Okey lang daw kay Ana ang pagpu-portray bilang ina ng mga artistang halos kapatid lang niya kung edad sa totoong buhay ang pag-uusapan dahil nasa mid 30’s pa lang siya.
“Well, it’s part of being an actress. Kahit gawin pa nila akong 60 years old!” natawang biro pa niya. ‘Yong mga bagets, tumatanda sa kanilang roles. Pero ‘yong mga gumaganap na parents nila, pabata nang pabata.”
Fresh at blooming lagi ang kanyang beauty. Ano ang sikreto ng kanyang pagiging younger looking? “Proper diet at saka exercise.”
At saka lovelife? “Huwag nang isama ang lovelife,” pag-iwas niya.
Bakit? Umasim na ang dating napapabalitang matamis na pagtiginginan nila ng kanyang non-showbiz boyfriend?
“Basta! Happy ako sa takbo ng trabaho ko ngayon. Iyon na lang ang masasabi ko. Anumang tungkol sa lovelife o personal ko, sa akin na lang. Private na lang. Ayokong magkuwento,” pag-iwas na huling nasabi ni Ana.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan