IBA ANG excitement na nararamdaman ni Ana Capri para sa latest indie film na natapos niyang i-shoot. Ito ay ang Laot na dating may working title na Mga Isda Sa Tuyong Lupa. Directed by Louie Ignacio, tungkol ito sa kuwento ng mga Badjao na napadpad sa Pampanga.
“Maganda ‘yong movie. Maganda rin at challenging’yong role ko kaya excited ako,” masiglang pahayag ng aktres.
“And it’s nice to hear na natutuwa ang direktor naming si Louie Ignacio at ang buong production team sa performance ko. Plano raw nga nila na isali ito for an international fim festival at saka sa New Wave category rin ng MMFF. So, sana matuloy nga.”
Kasama rin sa cast nito sina Gabi Garcia, si Ronwaldo Martin na kapatid ni Coco, ang dating PBB housemate na si Rico Barreira, at si Perla Bautista.
Ginagampanan ni Ana ang role bilang mother in law ni Barbie Forteza na siyang bida sa pelikula.
“Kasi sa mga Badjao, kapag nagsimula nang magka-monthly ang babae, puwede nang mag-asawa. Kaya nagkaasawa agad ako kahit bata pa ako.
“Si Jack Roberto ang anak ko na naging asawa naman ni Barbie. Maganda talaga ‘yong story ng movie. At saka ‘yong lugar ng pinag-shooting-an namin, I think no’ng nakita nila (production team ng pelikula) ‘yong location… do’n sila bumuo ng istorya.
“Kasi meron talagang nag-i-exist na community ng mga Badjao sa Mabalacat, Pampanga. ‘Yong mga taong-laot nga na inampon ni Isagani Ibarra na nagmamay-ari ng isang malaking luipain na natabunan ng lahar.
“Do’n sa lupain na ‘yon niya pinatira ang mga Badjao. Kaya ‘yong story ng pelikula ay umiikot kung paano sila nabubuhay doon e, sanay nga sila na sa dagat nakatira. Maganda talaga ‘yong pelikula. Na-excite nga ako no’ng nag-dubbing ako para rito last time, e.
“Kapag pinanood mo ‘yong pelikula, ramdam mo at parang amoy mo na ‘yong baho ng mga characters namin. Kasi ang dudungis at ang babaho ng mga hitsura namin talaga. Sa texture ng pelikula, na-achieved na ma-highlight ‘yong gano’n. At saka may mga kasali rin sa eksena na mga taong nando’n o taga-roon talaga.”
Pangalawang beses nang makatrabaho ni Ana si Barbie. Una ay sa isang youth-oriented series sa GMA a couple of years ago.
“Ang laki ng improvement ni Barbie as an actress. Iba na siya ngayon, may lalim at hugot na ang acting niya. Kung sa bagay, nananlo na nga siya ng award sa Marquina, ‘di ba? Natutuwa ako for her na lutang na lutang na ang husay niya as actress ngayon. Feeling ko nga, puwede siyang maging best actress dito sa Laot. Maraming mga eksena na talagang very intense ang ibinigay niyang performance.”
Supporting role ang kanyang ginagampanan. Pero masasabi raw ni Ana na acting piece ito. Inaasahan ba niya na posibleng manalo ulit siya ng acting award dito?
“Hopefully. Kung masuwertehan ko, pang-best supporting actress sana, pero hindi naman ‘yong asang-asa. Basta nai-excite ako ro’n sa role ko at saka ro’n sa film… Masaya ako.”
Bukod sa Laot, may isa pang indie film na natapos i-shoot si Ana. Ito ay ang Pare, Mahal Mo Raw Ako na idinirek ni Joven Tan, kung saan kasama niya Nora Aunor at Edgar Allan Guzman.
Very soon ay may dalawa pang indie film siyang uumpisahang gawin. Pero ayaw muna niyang magbigay ng detalye hinggil dito.
Regular din siyang napanonood ngayon sa telesrye ng ABS-CBN na All Of Me kung saan bida sina JM de Guzman at Yen Santos.
“Happy ako sa takbo ng career ko ngayon. Malaking blessing for me na hindi ako nawawalan ng project na gagawin at magaganda ang roles na napupunta sa akin.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan