Dear Atty. Acosta,
GUSTO KO pong tanungin ang tungkol sa kustodiya ng aking anak. Sa ngayon, siya ay nasa pangangalaga ng kanyang ama dahil hindi ko pa siya kayang buhayin. Dalawang buwan pa lamang ang anak ko. Gusto ko na siyang kunin subalit ayaw na siyang ibigay sa akin ng kanyang ama at ayaw rin akong padalawin sa kanya. Ang anak ko ay nakarehistro sa pangalan ko at sa pangalan ng kanyang ama kahit hindi po kami kasal ng kanyang ama. Bilang ina ng aking anak, ano ang mga legal na paraan para makuha ko ang aking anak?
Anita D.
Dear Anita,
BAGO ANG lahat, mahalagang malaman mo na dahil ang iyong anak ay ipinagbuntis at ipinanganak mo nang hindi kayo ikinakasal ng kanyang ama, siya ay isang hindi lehitimong anak. Kaugnay nito, ang iyong anak ay nararapat na nasa ilalim ng iyong pangangalaga alinsunod sa Article 176 ng ating Family Code na nagsasaad na:
“Art. 176. Illegitimate children shall use the surname and shall be under the parental authority of their mother, and shall be entitled to support in conformity with this Code. x x x”
Ayon pa sa Korte Suprema, ang hindi lehitimong anak ay dapat nasa solong pangangalaga ng ina at dapat na ang bata ay nasa kustodiya niya. (Joey B. Briones vs. Maricel P. Miguel, G.R. 156343, October 18, 2004) Ito ang alituntunin kahit pa kilalanin ng ama na anak niya ang nasabing bata. (Mossesgeld v. Court of Appeals, 300 SCRA 464) Sapagkat ang pagkilala ng ama sa bata bilang kanyang anak ay isang dahilan lamang upang bigyan niya ang bata ng suportang pinansiyal at hindi para magkaroon ng karapatan ng kustodiya sa bata. (David v. Court of Appeals, 250 SCRA 82) Dagdag pa rito, ayon din sa ating Family Code, ang bata na ang edad ay 7 taon pababa ay dapat na nasa pangangalaga ng kanyang ina.
Kaya naman, ikaw ang may mas higit na may karapatan sa iyong anak kahit kinilala siya ng kanyang ama sa pamamagitan ng pagpapagamit nito ng kanyang pangalan sa inyong anak. Kaugnay nito, maaari mong kunin ang iyong anak sa kanyang ama. Bago ka gumawa ng legal na aksyon, ikaw ay aming pinapayuhan na masinsinang makipag-usap muna sa ama ng iyong anak upang maiwasan ang pagsampa ng kaso sa hukuman. Kung hindi siya makikinig sa iyong pakiusap na ibigay sa iyo ang iyong anak, maaari kang magsampa ng kasong Petition for Habeas Corpus laban sa ama ng iyong anak. Sa pagsasampa mo ng nasabing kaso, kinakailangan mo ang serbisyo ng isang abogado. Kung wala kang kakayahang kumuha ng pribadong abogado, maaari kang magsadya sa aming District o Regional Office na malapit sa lugar kung saan naroroon ang iyong anak upang matulungan ka ng aming tanggapan (Public Attorney’s Office). Kalimitang matatagpuan ang aming District o Regional Offices sa Hall of Justice ng City o Municipal Hall ng bawat bayan. Pakidala na lamang ang mga mahahalagang dokumento tulad ng birth certificate ng bata.
Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta