Anak, Ipinagbibili!

Dear Atty. Acosta,

ANG KUMARE ko ay nanganak noong isang buwan. Nagbukas-loob siya sa akin at si-nabi niya na nais niyang ipagbili ang anak niya sa halagang limampung libong piso. Dahil siguro sa hirap ng buhay at dahil ikapitong anak na niya iyon, naiisipan niyang gawin ang bagay na ganoon. Ngunit sa palagay ko po ay mali ito. Ano po ba ang magagawa ko? Nais ko siyang paliwanagan. Sana ay makapagbigay kayo ng payo.

Umaasa,

Samarra

 

Dear Samarra,

MAYROONG MGA pagkakataon na nakaiisip ang isang tao na gumawa ng mga bagay na hindi kanais-nais. Kadalasan, ang dahilan sa likod nito ay ang kahirapan ng buhay. Subalit hindi sapat na batayan ang kahirapan upang ilagay sa alanganin ang kanyang sarili o ang kapakanan ng kanyang mga mahal sa buhay. Sa naisalaysay mo sa iyong sulat, hindi pa naipagbibili ng kaibigan mo ang kanyang anak sa iba. Marahil makabubuti na kausapin mo siya upang magbago ang kanyang isipan at hindi niya ituloy ang kanyang ibinabalak. Ating tandaan na ang sanggol ay biyaya na dapat inaaruga at inaalagaan.

Higit pa rito, maiging paliwanagan mo ang iyong kaibigan na maaari siyang maharap sa legal na suliranin kung itutuloy niya ang pagbebenta sa kanyang bagong-silang na anak sapagkat ang gawaing ito ay ipinagbabawal ng batas. Ang pagbenta o pagbili ng bata ay itinuturing na child trafficking at mayroon itong kaakibat na kaparusahan sa batas. Ayon sa Section 7, Article IV ng Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, “Any person who shall engage in trading and dealing with children including, but not limited to, the act of buying and selling of a child for money, or for any other consideration, or barter, shall suffer the penalty of reclusion temporal to reclusion perpetua. The penalty shall be imposed in its maximum period when the victim is under twelve (12) years of age.”

Kung sakaling ituloy niya ang kanyang plano, maaari kang dumulog sa inyong Barangay o sa pinakamalapit na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang ipaalam ang mga pangyayari at makapagsampa ng kaukulang reklamo laban sa ina ng bata. Maaari rin naman na ikaw at dalawa o higit pa sa inyong mga kaibigan o kapitbahay na nakaaalam ng paglabag sa batas ang siyang magreklamo. Alinsunod sa Section 27, Article XI, id, “Complaints on cases of unlawful acts committed against the children as enumerated herein may be filed by the following: x x x (g) At least three (3) concerned responsible citizens where the violation occurred.” Batid namin na mahalaga ang inyong kaibigan, ngunit nawa’y isaalang-alang ninyo rin ang kapakanan at kinabukasan ng nasabing bata.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleKontrata ng Seaman
Next articleBabala sa mga Mamimili!

No posts to display