Dear Chief Acosta:
Matagal na po akong hiwalay sa aking asawa na nasa Riyadh. Labingwalong (18) taon na po siyang wala sa amin. Sa loob ng taong iyon ay napag-aral ko na po ang aking mga anak maliban sa aking bunso. Wala na po akong sapat na pera para po matustusan ang pag-aaral ng aking bunso. Kanino po kaya ako lalapit para makahingi ng suporta sa aking asawa? Magkano po kaya ang aking magagastos?
—Alma
ANG PAGBIBIGAY NG suporta sa mga anak ay tungkulin ng mga magulang. Ito ay isang karapatan na iginawad ng batas para sa mga anak maging sila man ay lehitimo o ilehitimo. Obligasyon naman ng mga magulang na suportahan ang kanilang mga anak sa abot ng kanilang makakaya (Article 174 ng Family Code).
Nakapaloob sa suporta ang lahat ng bagay na mahalaga para sa ikabubuhay ng isang tao. Kasama rito ang gastusin para sa pagkain, damit, gamot, edukasyon at iba pang mga pangangailangan. Ang karapatang humingi ng suporta para sa edukasyon ay maaari ring pumatungkol sa mga magagastos para makatapos ng pag-aaral kahit na ang anak ay humantong na sa tamang edad (Article 194 ng Family Code).
Ang obligasyon na magbigay ng suporta ay maaaring hilingin ng taong may karapatang humingi nito sa araw na kanyang kakailanganin para sa kanyang ikabubuhay, pero mababayaran lamang mula sa araw na hingin ito sa pamamagitan ng judicial o extrajudicial demand. Ang paghingi ng isang suporta ay judicial kapag ito ay hihingin sa pamamagitan ng pagsampa ng kaso sa husgado para humingi ng suporta. Extrajudicial naman kapag ito ay hihingin ng walang husgadong mamamagitan (Article 203, Fanily Code).
Ang pagsasampa ng petisyon para humingi ng suporta ay maituturing na isang aksyon na makakaapekto sa personal na estado ng isang tao. Ang usapin sa ganitong klaseng kaso ay ang relasyon ng isang anak sa kanyang mga magulang. Maaari itong isampa sa mga nakatalagang Family Courts sa inyong lugar. Dahilan sa ang inyong asawa ay nakatira sa ibang bansa, ang SUMMONS ay hindi maipararating sa kanya nang personal. Sa ganitong pagkakataon, maaari po ninyong hilingin sa husgado na ang Summons ay mai-limbag sa alinman sa mga pahayagan na inilalathala sa inyong lugar. Kung ito ay pinayagan ng husgado, ang Order at ang summons ay ipadadala sa inyong asawa sa pamamagitan ng rehistradong sulat sa lugar na huling nalalaman ninyong naging tirahan nya (Section 14 Article 14 Rules of Civil Procedure).
Bagama’t maaari kayong magsampa ng kaso para humingi ng suporta laban sa inyong asawa kahit siya pa ay nasa ibang bansa, sadya pong mahihirapan kayo na ipatupad ang anuman pong kautusan na ibababa ng husgado. Iba ang pagsasampa ng kaso sa pagpapatupad ng desisyon ng husgado. Kung paano po ninyo sisingilin ang inyo pong asawa ay isang napakahirap na proseso dahilan na rin sa distansya po ng lugar ninyo at kung saan nakatira ang inyo pong asawa. Hangga’t maaari po ay personal kayong makipag-usap sa inyong asawa para humingi ng suporta para sa inyong anak. Kung may paraan po na makausap ninyo siya ay maiiwasan ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya sa husgado dahil sadyang napakasalimuot ang pagsasampa ng kaso. Maaari po kayong lumapit sa Department of Foreign Affairs (DFA) para alamin ang kanyang kinaroroonan kung hindi po ninyo alam.
Nawa ay natugunan po namin ang inyong katanungan. Subalit amin pong ipinababatid sa inyo na ang aming opinyon ay base lamang sa mga salaysay na inyo pong inilahad at ayon sa aming pagkakaintindi dito. Maaari pong may pagbabago sa mga ito kung may madagdag na iba pang salaysay. Upang lubos po ninyong maunawaan ang mga bagay tungkol sa kasalukuyan ninyong problema maaari po kayong kumunsulta sa isang abogado para kayo ay magabayan.
Kayo ay aming inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5 tuwing Huwebes ng gabi pagkatapos ng Aksyon Journalismo.
Atorni First
By Atorni Acosta