ISANG MAAGANG Pamasko ang nakuha ni Reynaldo Basas nang makuha niya ang kanyang anak na si Raymond Basas sa kamay ng kanyang amo na si Lower Bicutan, Taguig Barangay Chairman Eddie Andal. Matatandang nai-ere namin sa radyo noong December 14 ang tungkol kay Raymond na noo’y hinold ng kanyang amo dahil sa bintang na pagnanakaw ng pera na nagkakahalagang P18,000.
At kahapon lamang, muli kaming binalikan ni Reynaldo upang magpasalamat sa agarang aksyon. Kasama si Col. Celso Rodriguez, Deputy Chief ng Taguig at ang Department of Social Welfare and Development, kanila ngang natubos itong si Raymond, na lubos na ikinatuwa ng pamilya Basas.
PARA NAMAN sa Aksyon sa Text, isang concerned citizen ang lumapit sa amin upang ireklamo itong pulis na nakasakay sa Innova na may plakang SJG 744 at may body number na 322A. Diumano’y araw-araw nangongotong itong pulpol na pulis ng P50 kada tindera. Hindi mapangalanan ang pulis dahil sa tinatakpan niya ang kanyang name plate.
Sa liit ba naman ng kinikita ng mga tindera, malaking bagay ang P50 para sa kanila at kung araw-araw itong ginagawa ano nga naman ba ang mangyayari sa buhay nila.
Amin itong inilapit kay Col. Celso Rodriguez, Deputy Chief ng Taguig, at nangakong agarang iimbestigahan ang nasabing nagmamaneho ng sasakyang Innova. Nawa’y matigil na ang kotongan ng iba nating mga pulis bilang Pamasko na rin sa mga mga marangal na naghahanap-buhay para sa kanilang mga pamilya.
ISA PANG sumbong sa WANTED SA RADYO ni Rommel Custodio ang pangho-hold ng kanyang lisensiya. Nakuha ang lisensiya ni Custudio nang siya ay ma-involve sa isang aksidente sa tapat ng Olivares Mall sa Los Baños, walang nasugatan, ngunit kinailangan nilang pumunta sa police station para sa police report at blotter. Kanyang ibinigay ang kanyang lisensiya at sinabi ng kanyang nakabangga at ng pulis na tatawagan na lamang siya kapag puwede nang kunin ang lisensiya.
At noong siya ay pumunta sa munisipyo ng Los Baños upang makita kung nai-turn over na roon ang kanyang lisensiya, sinabi sa kanya na nasa police station pa rin ang lisensiya.
Noong aking tignan ang ticket na ibinigay sa kanya, wala man lang logo ng munisipyo ang ticket, walang heading kung anong istasyon ng pulis, walang department ng munisipyo at walang nakalagay kung saan maaaring tubusin. Ang tanging nakalagay ay “Los Baños Police Station; Los Baños Laguna”. Ito ang unang pagkakataon na nakakita ako ng ganitong ticket dahil hindi ito mukhang lehitimo.
Amin itong inilapit kay Col. Banjo Manzanilla at isinangguni kung lehitimo nga ba itong ticket na ito. Ipinaliwanag niya na baka walang imbestigador ang law enforcer ng Los Baños kung kaya’t sa pulis na lamang ipinapasa. Ang aking hiling lamang ay sana ayusin ang ganitong ticket dahil ito ay open sa korupsyon – maaaring hindi ito nakarehistro sa munisipyo at maaari itong gawing panggipit sa mga motorista.
Agad namang nangako si Col. Manzanilla na kanyang ibe-verify ang nasabing ticket at inanyayahan si Custodio sa kanyang tanggapan upang agad na magawan ng aksyon ang kanyang problema sa kanyang lisensiya.
Ang WANTED SA RADYO ay mapakikinggan sa 92.3 FM, Radyo 5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay hatid sa inyo ng ROBUST, a dietary supplement for men. Ang ROBUST ay garantisadong pampa-astig na nagbibigay ng pangmatagalang lakas. Ang ROBUST na gawa ng ATC Healthcare Corporation ay mabibili lamang sa mga kilalang botika.
Shooting Range
Raffy Tulfo