ISANG NAKAKABAHALANG HAKBANG ang ginawa umano ni Iloilo Representative Neil Tupas Jr. ang committee chairman on justice kamakailan. Ayon kay dating Chief Justice Artemio V. Panganiban, sa kanyang column sa Philippine Daily Inquirer noong Linggo, August 28, sumulat umano si Tupas sa mga miyembro ng Judicial and Bar Council (JBC).
Ang JBC ang siyang pumipili ng mga nominees para sa posisyon ng mga judges, justices at Office of the Ombudsman na siya namang irerekomenda nila sa pangulo para kanyang ipo-promote o ia-appoint.
Sa nasabing liham, iminumungkahi raw ni Tupas sa JBC na tanggalin ang awtomatikong pagdiskwalipika sa appointment o promotion ng mga aplikante para sa posisyon ng mga judges, justices at matataas na po-sisyon sa Office of the Ombudsman na may nakabinbin na mga kasong kriminal o administratibo, hangga’t ang mga kasong ito ay hindi bababa sa P10,000 ang parusa at multa.
Kung totoo ito, ano ba ang nangyayari kay Tupas at pumasok sa kanyang kukote ang ganitong klaseng kabalbalan? Dito nababagay muli ang kasabihang, “Only in the Philippines”.
Hindi na bago sa atin ang mabalitaan na ang isang korap na opisyal halimbawa sa Bureau of Customs, BIR, DPWH o PNP, sa halip na masibak sa serbisyo bi-lang parusa sa kanyang kinasasangkutang katiwalian, siya ay napo-promote pa. At nang ma-promote, lalo pa siyang mangungurakot para mabawi ang perang ginastos niya sa kanyang mga padrino.
Ngayon, gusto pala ni Tupas na ang mga hurado naman na may mga kaso, sa halip na maparusahan, balak niyang gantimpalaan pa ng promotion ang mga ito. Gusto niya yatang maging padrino nila.
Para sa kaalaman ni Tupas, langit at lupa ang pagitan ng pinagkaiba ng hudikatura at ng ibang mga sa-ngay ng pamahalaan. Sa BIR halimbawa, para kumita ng salapi ang isang tiwali, kailangan niyang kumupit sa mga binabayarang buwis. Samantalang sa hudikatura naman, para kumita ng pera ang isang tiwali kaila-ngang niyang magbenta ng kaso at mag-absuwelto ng isang maperang drug lord, halimbawa na lang.
Dapat ang taong mabibigyan ng mataas na puwesto sa ating hudikatura at maging sa Ombudsman ay malinis ang kanyang pagkatao, wala ni katiting na bahid na pagdududa sa kanyang integridad. Sila ang ‘ika nga’y last recourse ng sambayanan na sumisigaw ng hustisya para sa mga nangyayaring katiwalian sa ating bayan. Ngayon, paano pa sila pagkakatiwalaan kung sila mismo ay may mga hinaharap na kasong katiwalian?
Mas maganda pa siguro kung ang pag-aksayahan na lang ng panahon ni Tupas ay ang mag-request sa JBC na magbuo ng isang grupo na mag-imbestiga at magsagawa ng lifestyle check sa mga miyembro ng hudikatura lalo pa kung ang isang miyembro rito ay palagi na lang nag-aabsuwelto ng mga kaso.
At sa kabilang banda naman, magpanukala rin siya ng batas para dagdagan ang sahod, benepisyo – at magbigay na rin ng mga magagandang insentibo, sa mga piskal, judges at justices. Nang sa gayon, ang ilan pang natitira sa kanilang mga tumatahak ng matuwid na landas ay hindi matukso na tatahak sa baluktot na daan.
Makinig sa WANTED SA RADYO sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo