Dear Atty. Acosta,
MAYROON LANG sana akong hihingiin na advice tungkol sa problema ko. Nagkahiwalay kami ng aking asawa sa aking pagdududa na ako ay niloloko niya. Ibig sabihin, merong third party. Nakasal kami sa legal at sa simbahan. After more than a year, nagkahiwalay kami. Since nagkahiwalay kami until now wala na kaming communication sa bawat isa. Pero ang balita ko ay mayroon na siyang anak sa kanyang kinakasamang lalaki. Ang sabi ng mga nakaaalam, ang dinadalang apelyido ng bata ay ang aking apelyido. Alam ko na ang batang ito ay hindi ko anak. Ang kasal namin until now ay hindi pa naa-annul. Ang tanong ko po ay mayroon bang karapatang gamitin ng bata ang aking apelyido at mayroon ba silang karapatang maghabol sa aking mga ari-ariang naipundar noong ako ay binata pa. Papaano ko ba mapapawalang-bisa ang aming kasal at magkano ang magagastos kung sakaling mag-file ako ng annulment?
Joe
Dear Joe,
ANG GINAWA ng iyong asawa na pagsama o pakikipagtalik sa ibang lalaki na hindi niya asawa ay isang krimen na may karampatang parusa, ito ay Adultery ayon sa Artikulo 333 ng Revised Penal Code of the Philippines. Ayon sa iyong liham, nagbunga ang ginawang pagtataksil ng iyong asawa. Maipapayo namin sa iyo na sa lalong madaling panahon, ito ay iyong itatwa bilang iyong lehitimong anak. Ito ay sapagkat, ipinapalagay ng batas na ang naturang bata ay lehitimong anak ninyong mag-asawa, kahit pa siya ay anak ng iyong asawa sa ibang lalaki. (Article 164, Family Code the Philippines)
Ang pagtatatwa sa bata bilang iyong lehitimong anak ay maaari mong gawin sa loob ng isang (1) taon mula nang iyong madiskubre o malaman na ito ay ipanganak o ipatalaga ang kanyang kapanganakan sa opisina ng Civil Registrar, alinman ang mas maaga, kung ikaw ay nakatira sa lugar kung saan ipinanganak ang bata o inirehistro. Dalawang (2) taon naman kung ikaw ay nakatira sa ibang lugar at tatlong (3) taon kung ikaw naman ay nakatira sa ibang bansa. Subalit kung itinago sa iyong kaalaman ang pagsilang ng bata, ang panahong nabanggit ay magsisimula lamang sa sandaling ang kapanganakan o ang pagpaparehistro nito ay iyong nadiskubre (Art 170 Family Code of the Philippines).
Kung hindi mo ito magagawa, ituturing na lehitimong anak ninyo ng iyong asawa ang bata at bilang isang lehitimong anak, mayroon siyang karapatang gamitin ang iyong apelyido, humingi ng suporta sa iyo at maging tagapagmana ng iyong mga ari-arian.
Tungkol naman sa balakin mong mapawalang-bisa ang iyong kasal, maaari mo itong maisakatuparan sa pamamagitan ng pagsasampa ng petisyon sa korte. Masasabi nating ang paghihiwalay ninyo ng iyong asawa mula noon hanggang ngayon, ang pagsama niya at pagkakaroon ng anak sa ibang lalaki ay nagpapakita na hindi niya lubos na nauunawaan ang obligasyon niya bilang isang asawa. Ito ay isang patunay sa hindi pagtupad ng iyong asawa sa obligasyon niya bilang isang asawa. Ito ay isang dahilan para maideklarang walang-bisa ang inyong kasal. Ayon sa batas, kung ang isa sa o parehong mag-asawa ay dumaranas ng “psychological incapacity” o ang depekto sa pag-iisip na nagdudulot ng kabiguang tumupad sa mga pangunahing tungkulin o obligasyon ng isang taong may asawa tulad ng pagsasama sa iisang bubong, pagmamahalan, pagtitiwala, paggalang at pagkakaloob ng suporta sa isa’t isa ay isang sapat ng basehan para ito ideklarang walang-bisa ang kanilang kasal. (Article 36, Family Code of the Philippines)
Ang usapin patungkol sa ari-arian ninyong mag-asawa ay matatalakay rin sa nasabing petisyon. Kung magkagano’n, maaari mong hilingin na mapunta sa iyo ang mga ari-ariang naipundar mo.
Patungkol naman sa iyong katanungan kung magkano ang iyong magagastos sa pagsasampa ng petisyon, hindi pare-pareho ang halaga ng gastusin para rito. Ito ay naka-depende sa singil ng pribadong abogado, filing fee at iba pang bayarin sa korte.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta