Dear Atty. Acosta,
MAY ASAWA po ang anak kong lalaki, 18 years old siya noong ikinasal at nagsama sila ng babae ng mula May 2001 hanggang maghiwalay sila ng last quarter ng 2007. May isa silang anak na babae na nasa pangangalaga namin na 8 taong gulang at paminsan-minsan ay pumupunta rin doon sa ina dahil malapit lang ang bahay sa amin. Sa ngayon po, may girlfriend ang anak ko at may boyfriend naman ang manugang ko at buntis siya ngayon sa boyfriend niya. Ano po ba ang dapat naming gawin, gusto ko sanang mag-usap na lang nang maayos para hindi manggulo ang babae sa anak ko at sa girlfriend niya. Kung may pera na kami para sa annulment, saka na lang kami magpa-file ng petition.
Ang isa ko pang inaalala ay baka isunod ang apelyido ng bata sa anak ko dahil kasal nga sa kanya ang manugang ko. Kahit po ba nabuntis na siya ng ibang lalaki dapat po ba magsusustento ang anak ko sa kanya at magiging anak niya? Ano po ba ang dapat naming gawin? Naghiwalay po sila dahil pareho silang iresponsable at lulong sa bisyo at barkada.
Rosa
Dear Rosa,
AYON SA iyong liham, matagal nang hiwalay ang iyong anak sa kanyang asawa at sila ay mayroon nang kanya-kanyang buhay. Nabanggit mo rin na ang kanyang asawa ay nabuntis ng ibang lalaki partikular na ang kanyang boyfriend. Maipapayo namin na sa sandaling ang ipinagbubuntis ng asawa ng iyong anak ay isilang, kailangan niya itong itatwa o ikaila bilang kanyang lehitimong anak. Ito ay sapagkat, ipinapalagay ng batas na ang naturang bata ay lehitimong anak nilang mag-asawa, kahit pa ang bata ay anak ng iyong manugang sa ibang lalaki (Article 164, Family Code the Philippines).
Ang pagtatatwa sa bata bilang lehitimong anak ay maaaring gawin sa loob ng isang (1) taon mula nang madiskubre o malaman na ito ay ipanganak o ipatalaga ang kanyang kapanganakan sa opisina ng Civil Registrar, alinman ang mas maaga, kung ang lalaking asawa ay nakatira sa lugar kung saan ipinanganak ang bata o inirehistro. Dalawang (2) taon naman kung siya ay nakatira sa ibang lugar at tatlong (3) taon kung siya naman ay nakatira sa ibang bansa. Subalit kung itinago sa kanyang kaalaman ang pagsilang ng bata, ang panahong nabanggit ay magsisimula lamang sa sandaling ang kapanganakan o ang pagpaparehistro nito ay kanyang nadiskubre (Art. 170, Family Code of the Philippines).
Kung hindi ito magagawa, ituturing na lehitimong anak ng iyong anak at kanyang asawa ang bata at bilang isang lehitimong anak, ang bata ay mayroong karapatang gamitin ang apelyido ng iyong anak, humingi ng suporta sa kanya at maging tagapagmana ng kanyang mga ari-arian.
Tungkol naman sa balak ninyo na mapawalang-bisa ang kanilang kasal, maaari itong maisakatuparan sa pamamagitan ng pagsasampa ng petisyon sa korte. Masasabi nating ang paghihiwalay nilang dalawa, ang pagsama nila at pagkakaroon nila ng karelasyon at ang pagkakaroon nila ng masamang bisyo ay nagpapakita na hindi nila lubos na nauunawaan ang obligasyon nila bilang mag-asawa. Ito ay isang patunay sa hindi pagtupad nilang dalawa sa obligasyon nila bilang mag-asawa. Ito ay isang basehan para maideklarang walang bisa ang kanilang kasal. Ayon sa batas, kung ang isa sa o parehong mag-asawa ay dumaranas ng “psychological incapacity” o ang depekto sa pag-iisip na nagdudulot ng kabiguang tumupad sa mga pangunahing tungkulin o obligasyon ng isang taong may asawa tulad ng pagsasama sa iisang bubong, pagmamahalan, pagtitiwala, paggalang at pagkakaloob ng suporta sa isa’t isa ay isang sapat ng basehan para ideklarang walang bisa ang kanilang kasal (Article 36, Family Code of the Philippines).
Atorni First
By Atty. Persida Acosta