Dear Atty. Acosta,
AKO PO ay may anak sa pagkadalaga. Hindi na po kami nagsama ng ama ng aking anak sapagkat tutol ang mga magulang niya sa relasyon namin. Ngayon po ay pilit kinukuha ng mga lolo’t lola ang aking anak. Inaangkin nila na mas may karapatan daw sila sa bata dahil may pinansyal silang kakayahan upang ibigay ang lahat ng pangangailangan niya. Natatakot po akong mangyari iyon. Sana ay matulungan ninyo ako.
Maraming salamat,
Katrina
Dear Katrina,
MALINAW SA Artikulo 176 ng Family Code, as amended na ang “parental authority”, pangangalaga, at kustodiya ng isang hindi lehitimong anak ay ibinigay ng batas sa kanyang ina lamang. Ang tanging karapatan ng ama ay mabigyan siya ng pagkakataong mabisita o makita ang anak o ang pagkakaroon ng visitation rights.
Sa iyong sitwasyon, ang mga magulang ng ama ng iyong anak ang umaangkin ng kustodiya ng bata. Walang binanggit sa ating batas tungkol sa karapatan ng mga lolo’t lola sa kanilang hindi lehitimong apo. Magkagayunpaman, maaari pa ring mapunta ang kustodiya ng isang hindi lehitimong anak sa kanyang lolo’t lola kung ito ay ipag-uutos ng korte.
Maaaring matanggalan ng karapatan ang ina sa kanyang hindi lehitimong anak kapag napatunayan sa korte na walang kakayahan ang ina upang pangalagaan ang bata. Hindi lamang titingnan ang kakayahan ng ina na magbigay ng materyal na bagay. Aalamin din ang kakayahan ng ina na paunlarin ang emosyonal, sikolohikal, at iba pang ‘di materyal na pangangailangan ng bata.
Sa pangkalahatan, titingnan ng korte ang “best interest” ng bata. Ang best interest ng bata ay ang “totality of the circumstances and conditions as are most congenial to the survival, protection, and feelings of security of the minor encouraging to his physical, psychological, and emotional development” (Section 14, Rule on Custody of Minors and Writ of Habeas Corpus of Minors).
Isasaalang-alang din ng korte ang edad ng bata sapagkat ang kustodiya ng batang pitong gulang at pababa ay dapat mapunta sa kanyang ina maliban na nga lang kung ang ina ay walang kakayahan para alagaan ang kanyang anak o makita ng korte na hindi makabubuti para sa bata na lumaki sa kanyang ina.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta