Dear Atty. Acosta,
MAYROON PO sana akong ikokonsulta tungkol sa pagkakaroon ng anak ng kaibigan ko sa lalaking may pamilya na. Gusto ko po sanang makahingi ng tulong para po maging regular na ang padala ng tatay ng bata sa kaibigan ko. May work naman po ang kaibigan ko, pero talagang hindi sapat ang kanyang kinikita dahil bukod sa upa sa bahay ay nag-aaral na rin ang bata. Kapag humihingi naman siya sa tatay ng bata ay galit pa ito sa kanya at sinasabing ibigay na lang sa kanya ang bata at siya na lang daw ang mag-aalaga. Kung sakali po bang mag-file ng kasong child support ang aking kaibigan, mananalo po ba siya?
Art
Dear Art,
SAPAGKAT HINDI mo nailahad na kinilala ang batang nabanggit sa iyong liham ng kanyang ama, ipagpapalagay naming siya ay kinilala nito. Kung magkaganun, may karapatang humingi ng suporta ang bata sa kanyang ama.
Sang-ayon sa batas, ang pagbibigay ng suporta ay obligasyon ng isang magulang sa kanyang anak, lehitimo man o hindi. Kabilang sa nasabing suporta ang pagbibigay sa mga pangunahing pangangailangan ng isang tao para siya ay mabuhay, katulad ng sustento para sa pagkain, tirahan, damit, gamot, edukasyon, transportasyon at iba pang pangunahing pangangailangan na hindi maaaring mawala para mabuhay (Articles 194 and 195, Family Code of the Philippines).
Ang halagang nararapat ibigay bilang suporta ay nakabase sa halagang kakailanganin ng humihingi ng suporta at ang kakayahang pampinansyal ng magbibigay nito (Article 201, Family Code of the Philippines).
Dahil sa kabila ng pagsusumamo ng iyong kaibigan na magbigay ng suporta ang ama ng kanyang anak at ito ay hindi pinagbigyan o halos walang ibinibigay, maaaring dumulog sa korte ang iyong kaibigan upang ang korte na ang pumilit sa ama ng bata na magbigay ng regular na suporta.
Maaari ring mapanagot ang ama ng bata, kung hindi siya magbibigay ng suporta, sa paglabag niya sa Republic Act (R.A.) No. 7610 o ang batas na naglalayong protektahan at isulong ang karapatan ng mga kabataan laban sa pang-aabuso, eksploytasyon at diskriminasyon. Sang-ayon sa naturang batas, ang hindi pagbibigay ng suporta o sustento ng isang tao na may obligasyong magbigay nito ay isang uri ng pang-aabuso sa isang bata o menor de edad na nangangailangan ng kanyang suporta at kapag ito ay napatunayan, ang taong hindi nagbigay ng suporta ay mapapatawan ng kaparusahang pagkakulong (Section 3(b) (3), R.A. No. 7610).
Isa ring paglabag sa Republic Act No. 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004” ang hindi pagbigay ng isang lalaki ng suporta sa kanyang mga anak at asawa o kinakasamang babae. Ito ay isang uri ng pang-aabuso na sinasaad ng nasabing bata, kung saan mahigpit itong ipinagbabawal. Ang mapatutunayang lumabag dito ay may kaukulan ding kaparusahan na pagkabilanggo.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta