HNDI LANG SI Andi Eigenmann ang naapektuhan ng kasikatan ngayon ng child actress na si Xyriel Anne Manabay, kundi sina Jason Abalos at Matteo Guidicelli rin. Sila ang dalawang leading men ni Andi sa Agua Bendita na rumaratsada ngayon sa ratings.
Kung nade-delay ang paglabas ng bidang si Andi, ganu’n din siyempre sina Jason at Matteo. Buti na lang at may Your Song Presents si Jason bilang leading man ni Pokwang. Pero si Matteo, bumalik lang ng ‘Pinas para gawin ang teleseryeng ito. Bumalik din siya sa Kapamilya network, kahit may mga naka-line-up na siyang projects sa Kapuso network. Mainip kaya muli si Matteo at makita nating nasa Kapuso na ulit?
Mula sa mayamang pamilya ang car racer na si Matteo. Hindi pag-aartista actually ang hilig niya kundi ang pagkanta. Napanood na natin siya noong nakaraang ASAP. Bongga ang song number niya dahil, inalalayan pa siya nina Papa Piolo Pascual at Sam Milby. Mukhang pasado rin siya sa music lovers. Pero, pagkatapos ng bonggang song number na iyon, with matching intro bago siya lumabas sa stage, panibagong dagok na naman ang kanyang nararamdaman. Maganda ang kanyang role. Bulag. At nangangailangan ito ng sensitibong pag-arte na inaral niya naman at winorkshop pa. Pero, hindi pa rin siya napapanood sa Agua Bendita.
Nevertheless, ganyan talaga ang buhay. Wala talaga silang magagawa. Kailangan niyang (same with Jason and Andi) mag-bow sa batang aktres.
Ang nakakatawa, tinatawag na Andi si Xyriel ng mga batang nagtitinda ng Sampaguita sa paligid ng ABS-CBN. Ganu’n din ng mga school children. Hindi siguro rumehistro nang husto ang mga publicity ni Andi, kaya hindi siya matatandaan ng mga sumusubaybay sa Agua Bendita. Basta ang akala nila, Andi ang real name ng bida at si Xyriel na nga iyon.
Napakaganda rin ng eksena kahapon, kung saan nagkaroon na ng powers si Agua na makagamot. Una niyang nabiyayaan ng powers niya ang Mommy niya sa teleserye na si Vina Morales. Mamamatay na lamang ito nang tumulo ang masaganang luha ni Agua at himalang gumaling ang mommy niya. Nakalakad din ito na parang walang nangyari.
Parang si Santino si Xyriel na hindi maglalaon ay tatawagin na ng madlang pipol na Agua. Si Agua ang susunod na mamahalin ng mga televiewers, tulad din ni Santino na hanggang ngayon ay hindi pa rin tinatawag sa real name niyang Zaijian Jaranilla.
From Santino to Agua ang sagot ng Kapamilya network bilang sequel ng May Bukas Pa.
Incidentally, si John Estrada naman ang naalaala ng televiewers na pumalit kay Dominic “Fr. Jose” Ochoa sa May Bukas Pa.
May pumapapel din na “Bro” sa Agua Bendita. Si “Fr. Guido” (ba iyon?).
Sa kabuuan, parang isang himala rin ang nangyayaring ito sa Agua Bendita. Kung anuman ang napapanood at nagugustuhan ngayon, eh, dagdag na mga pangyayari na wala sa original script. Congratulations sa mga nasa likod nito, dahil mas magandang script ang pinupuntahan nila.
BULL Chit!
by Chit Ramos