Parang kelan lang, ‘no? Nu’ng kasagsagan ng May Bukas Pa, si Santino, sikat na sikat. Pero ngayong wala nang May Bukas Pa, ang kinababaliwan namang panoorin ay ang Agua Bendita.
In fairness, mahusay ang bagets na si Xyriel. Kahit kambal ang role niya, kaya niyang maging mabait at salbahe. Kaya nga hindi namin maimadyin kung gaano kahirap para sa batang ito ang magpalit ng character, eh.
Sa mga hindi nakaaalam: si Santino at si Agua ay iisa ang manager. Ang RDB Talent Agency ni Papu at ni Bryan Ancheta na super-babait, kaya love na love namin sila.
At kung type n’yo pa itong paningit namin, ang RDB rin ang manager ng tatlong tsismosa namin sa May Bukas Pa.
HINDI NGA? SA April na nga ba lalabas si Andi Eigenmann bilang lumaki nang si Agua Bendita? Sabi nga ng isa naming kausap na showbiz analyst, bigyan na lang ng ibang character si Andi at ‘wag nang palakihin pa si Agua.
Dahil sa totoo lang, kung galing ka sa time slot na bata ang bida, dapat bata rin ang susunod na bida. Kaya si Agua ay eksaktong-eksakto lang sa ipinalit kay Santino.
Ang tanong ngayon: Matutupad ba ang ipinangakong April na ang sulpot ni Andi samantalang panalung-panalo ang batang si Agua Bendita?
Na in fairness, kinahuhumalingan ngayon ng mga anak ko, kaya kung minsan, dumarating kami sa bahay na hindi na sila excited, dahil naka-focus nang bonggang-bongga sa pinanonood nila.
MUKHANG SI RYAN Christian Recto ay lalaking parang tatay niyang si Ralph Recto, isang pulitiko. Kung si Luis Manzano ay sobrang PR na, aba, maging si Ryan Christian, matsika rin sa mga reporter, ha?
So ibig sabihin, manang-mana lang sila kay Batangas Gov. Vilma Santos sa pagka-mega PR. Saka isa na rin diyan ‘yung itinuro ni Ate Vi sa mga anak na ‘wag kalilimutang magbigay-respeto sa mga nakatatanda, lalo na sa mga reporter.
Maging senador din kaya si Ryan tulad ng daddy niya?
AND SPEAKING OF Ate Vi, merong isang matinding kalaban ni Ate Vi sa Batangas ang tumawag sa amin para kunin ang serbisyo ni Vice Ganda sa kampanya nito bilang governor din ng Batangas.
Nakalulula ang offer, pero kahit isang milyon pa siguro ang ibayad no’n ke Vice Ganda per night ay hindi namin tatanggapin.
Baket?
Una, kaibigan namin ni Vice si Ate Vi. Respeto ‘yan. Walang ipinakisamang masama sa amin si Ate Vi bagkus, sobrang love kami ni Ate Vi.
Pangalawa, si Vice Ganda, ‘pag hindi naniniwala sa isang kandidato ay hindi siya mag-e-endorso. At si Ate Vi ay naging kaibigan ni Vice nu’ng ginagawa nila ang In My Life sa New York.
Kaya kahit walang bayad, sasampa si Vice Ganda sa entablado ni Ate Vi para iendorso ang Batangas governor.
Oh My G!
by Ogie Diaz