SA PRESSCON ng Galema, Anak ni Zuma, inamin ni Andi Eigenman na siya nga ang nag-post dati sa kanyang Twitter account ng may espesyal na namamagitan kina Jake Ejercito at Coleen Garcia, kung saan nagawa niya ito nang ‘di pa sila nagkakausap at nalalaman ang totoo galing kay Jake.
Sa nakaraang pictorial naman ng Galema kung saan nakausap namin noon ang young actress, nagkuwento si Andi na nagkausap na sila ni Jake at binibiro nga siya nito na nagseselos siya kahit wala siyang dapat pagselosan kung saan ‘di naman itinago ng aktres na espesyal talaga para sa kanya ang boyfriend at natatakot siya na mawala o maagaw ito sa kanya ng iba.
Biniro nga na mukhang siya ngayon ang paborito ni Direk Wenn kung saan ang Box-Office Director ang direktor ng pinagbidahang serye dati ni Andi, ang Kahit Puso’y Masugatan at ngayon nga ay kasama siya sa pelikulang Momzillas at bida sa Galema, Anak ni Zuma.
Masasabing suwerte si Andi dahil bukod sa alam namin na kinakitaan siya ng husay ni Direk Wenn ay magaan ang loob nito sa kanya bilang anak ni Ms. Jaclyn Jose na malapit na kaibigan ng direktor.
Sa trailer pa lang, kaabang-abang na kung saan kumpirmadong ‘di birong halaga ng mechanical snake nina Zuma at Galema, inakma rin sa panahon ngayon ang takbo ng istorya kung saan una itong sumikat nu’ng 80’s kung saan ang gumanap na Zuma ay si Max Laurel at ang role naman ni Galema ay binigyang-buhay ni Snooky Serna.
PUMIRMA NG dalawang taong kontrata nu’ng nakaraang Lunes si Judy Ann Santos sa ABS-CBN kasama ang manager na si Tito Alfie Lorenzo. Present sa nasabing contract ang mga big bosses ng ABS mula kay Ms. Charo Santos, Ms. Cory Vidanes at Direk Lauren Dyogi.
Ayon sa aktres, sa simula pa lang naman ay first option na nila ang ABS at bilang isang tunay na Kapamilya at kahit na nakipag-usap sila sa ibang istasyon ay ang pagiging Kapamilya pa rin ang pinili nila.
Isang teleserye at franchise game show na may titulong Bet on My Baby ang nakalinyang gawin ni Judai, kung saan mga bata na may edad na 2 hanggang tatlong taon at kalahati ang kanilang contestants at ang mga ina nito. Bukod sa malapit sa puso ni Judai ang mga bata, dahil isa rin siyang ina, ikinatutuwa rin ng aktres na may trust funds na matatanggap ang mga batang contestant na malaking tulong sa kanila.
Sa tanong kung gagawa ba siya agad ng panibagong serye pagkataos ng Huwag Ka Lang Mawawala, ayon kay Judai ay kailangan niya ng magandang materyal kung saan para sa kanya ay perpekto na ang Huwag Ka Lang Mawawala mula sa istorya nito hanggang sa mga taong nakasama niya mula sa mga artista hanggang sa mga tao sa produksyon. Ikinatataba rin ng puso ng aktres ang magagandang feedbacks ng naging tagasubaybay ng pinagbidahang serye kung saan marami ang humihiling na gawin itong pelikula.
Bagong gupit kung saan pinaigsian ng aktres ang mahaba niyang buhok, ipinaliwanag ni Judai na nangangahulugan ito ng bagong simula para sa kanya na iniwanan na niya kung anuman ang mga sama ng loob, tampo o anumang negatibong naramdaman niya sa mga nakalipas na buwan.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA