BILANG ARTISTA ay hindi nga madamot si Andi Eigenmann na sumuporta lang muna ngayon kay Anne Curtis bilang bida ng teleseryeng Dyesebel ng Dreamscape Entertainment. O talaga lang wise ang anak ni Jaclyn Jose, dahil alam niyang magiging patok sa mga manonood ang Dyesebel, dahil mahal ng masa ang nasabing karakter na nilikha ng yumaong nobelista sa Komiks na si Mars Ravelo. Sa pag-iingat kasi ng kanyang kasikatan ay puro patok sa ABS-CBN ang mga teleseryeng pinagbidahan ni Andi, ganu’n din ang kanyang mga pelikula.
Mas pumatok ang mga pagbibida ni Andi sa mga teleserye niya kumpara sa mga teleseryeng nilabasan ni Anne. Pero sa pagpayag niyang maging suporta lang ngayon ni Anne bilang bida ay unang tiningnan ni Andi ang ganda ng kuwento ng nasabing project. Doon sila nagkapareho ng kanyang Mommy na si Jaclyn, dahil nang mapatunayan na ni Jaclyn ang kanyang pagiging aktres ay hindi na isyu sa kanya kung bida man siya, suporta o may maiksing role na lang sa isang project.
Pero may isyu ngayon ng pagiging maramot ni Andi. Taklesa rin naman kasi at sobrang diretso si Jaclyn kapag nagsalita, at minsan ay nakapagsalita siya, na parang hanggang sa ngayon na kumikita na nang malaki si Andi sa kanyang pag-aartista ay mayroon pa rin siyang kadamutan sa paggastos ng mga kailangan sa loob ng kanilang house. Na kauna-unawa pa rin naman, dahil anak si Andi, at bilang Mommy, sobrang masipag si Jaclyn sa kanyang trabaho para palakihin si Andi. Medyo napapadalas nga lang ngayon ang kanilang tampuhan.
ChorBA!
by Melchor Bautista