MAYROON NA siyempreng leksiyon sa buhay na natutunan si Andi Eigenmann pagdating sa pagdadala ng kanyang lovelife, kaya marunong na siyang mag-ingat sa ngayon. Ipinagpapasalamat na nga lang niya, na kahit nangyari na nakapanganak na siya, nabigyan pa rin siya ng pangalawang pagkakataon na muling makabalik sa pag-arte sa showbiz at ratsada pa rin siya ngayon sa pagawa ng mga teleserye at pelikula na pambida pa rin ang kanyang kategorya.
Isa na lang bangungot para sa kanya ang karanasan niya sa naging relasyon nila noon ni Albie Casiño. At kahit mommy na siya, napakaganda pa rin ng kanyang mukha, kaya ang dami pa rin niyang manliligaw hanggang ngayon. Pero si Jake Ejercito pa rin talaga ang pinakamalapit na lalaki sa kanyang puso. Trabaho lang talaga ‘yung dahilan ng closeness nila ni Billy Crawford, dahil magkasama sila sa pelikulang Momzillas ng Star Cinema at Viva Films.
May sariling istilo ng natural na kaartehan si Andi bilang personalidad, at tanggap na iyon ng kanyang fans. Bata pa rin siya sa kanyang mga karanasan sa buhay, kaya hindi puwedeng ialis sa kanya na ma-link sa kung sinu-sinong lalaki, dahil malakas talaga ang kanyang sex appeal. Pero marunong na siyang magbalanse ng sitwasyon. Busy siya ngayon sa taping ng kanyang teleseryeng Galema, Anak ni Zuma ng ABS-CBN, habang ine-enjoy lang niya sa ngayon na ang dami-daming nagkakagusto sa kanya para siya ligawan.
MALAKAS ANG pakiramdam ni MMDA Chairman Francis Tolentino na hindi magiging masaya ang idaraos na Metro Manila Film Festival. Mayroong mga dati na silang mga pelikulang naianunsiyo bilang mga kalahok, pero nagsi-atras naman. Papalapit na nga kasi ang buwan ng Disyembre na panahon ng pagsasaya ng bawat pamilya na ang isa sa mga paboritong libangan ay ang mamasyal at bilang pahinga ay ang pagrerelaks na manood ng sine.
Nagparating si Chairman Tolentino ng mensahe sa Star Cinema na huwag namang iatras ang pagsali ng pelikulang Be Careful With My Heart na siyempre pa’y alam naman sa buong bansa na patok ang teleseryeng ito, kaya isasapelikula na sana. Ngayon pa lang kasi, malakas na ang panghatak nito sa mga manonood ng telebisyon, kaya inaasahang pipilahan ito sa takilya. Hindi na rin kasi sumali si Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa MMFF.
Iba pa rin siyempre kapag ang masa na suking manonood ng mga pelikulang kasali sa pestibal ay mayroong mga pagpipiliang magagandang pelikula na panonoorin. May rekord na talaga sa MMFF ang mga pelikula ni Sen. Bong na laging patok. Ngayong hindi na siya sumali, malaking kapalit ang pelikula sana nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap. Nakalulungkot kasi kung ang kaganapan sa pestibal ay isa hanggang tatlong pelikula lang ang dinudumog ng mga tao para panoorin, pero ‘yung ibang pelikulang kasali ay mga langaw at surot na lang ang nasa loob ng sinehan, dahil ayaw pasukin ng mga manonood.
ChorBA!
by Melchor Bautista