MAGKAKAALAMAN NA kapag nailabas na sa mga sinehan ang pelikulang isa sa mga kasama sa cast ay si Andre Paras kung tanggap ba siya ng masa dahil sa ginagawa nitong pag-snub sa tunay na ina na siyang nagbigay sa kanya ng buhay.
Marami kasi ang hindi natuwa sa ginawa ni Andre nang hindi raw nito binanggit para pasalamatan ang tunay na ina nang tanggapin nito ang award na ipinagkaloob sa kanya ng ENPRES kamakailan.
Kaya kapag hindi nag-klik sa takilya ang movie na kasama siya sa cash ay nangangahulugan na marami talaga ang galit sa binata ni Benjie Paras.
Sabi nga, kahit na ano raw sama ng iyong ina ay nanay mo pa rin ito na nagbigay ng buhay sa iyo para isilang sa mundong ibabaw.
TAMANG-TAMA ANG pagpapalabas ng Edna, istorya na OFW na ginampanan ni Irma Adlawan na nagtrabaho abroad para mabigyan ng magandang buhay ang asawa at mga anak.
Sa special screening ng Edna na ginanap sa Metropolitan Museum sa Roxas Blvd. last Tuesday ay naipakita sa istorya na hindi binigyang-importansya ng mga anak at asawa ang mga pinaghirapan ng isang OFW.
Ang galing-galing ni Irma sa role na si Edna at maging si Ronnie Lazaro sa role na husband ni Edna.
Matutuklasan ni Edna na ang husband na minahal at ibinigay ang lahat ay hindi pala siya tunay na mahal. Ang pinakamasakit pa ay matutuklasan nito na isang bakla pala ang minahal na asawa.
Sa ending ay magdedesisyon si Edna na magtrabaho uli abroad. Pero bago umalis ay may ginawa itong kagimbal-gimbal sa mga minahal sa buhay at mga taong walang ginawa kundi turuan ng hindi maganda ang mga mahal niya sa buhay.
Bago kami umalis ay nahingan namin ng reaction sina Irma at Ronnie na siya ring nagdirek ng Edna about sa kababayan nating si Veloso na muntik nang ma-firing squad sa Indonesia.
Nagkakaisa sina Irma at Ronnie na karamihan ng mga OFW ay nagiging biktima ng karahasan sa pinagtatrabahuhan ng mga ito abroad.
Naniniwala rin sila na naging biktima si Veloso at nagpapasalamat sila sa ginawang tulong ng mga tao na gumawa ng paraan para ‘di matuloy ang parusang kamatayan.
Sana raw ang pelikulang Edna ay makatulong din para mabuksan ang kaisipan ng mga tao na akala ay ganoon lang kadali ang magtrabaho para kumita ng pera abroad.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo