MAPAPABILANG sana si Andrea del Rosario sa cast ng isang malaking teleserye ng Kapamilya network na The Broken Marriage Vow pero tinanggihan niya ito dahil mas priority ng former Viva Hot Babe member ang magkaroon ulit ng isa pang anak. Ito ang kanyang inamin sa amin sa ginanap na digital mediacon para sa Cinemalaya short film na Pugon na pinagbibidahan niya.
Nasa early 40s na si Andrea at posibleng hindi na raw siya magkaanak in the normal way kaya Inihahanda niya ang sarili para sa isang IVF (in vitro fertilization) at ayon sa kanya pinayuhan na siya ng doctor na kung gusto pa niyang magkaroon ng isa pang anak ay kailangan na niya itong gawin ngayong 2021.
“As of the moment, nandu’n po ako sa process ng egg harvest, IVF, so, may mga instance na talagang masakit man sa loob ko… I’m supposed to be part of The Broken Marriage Vows with Dreamscape, I had to beg off because of that,” pagtatapat ng aktres.
Ang direktor ng The Broken Marriage Vow na si Connie Macatuno ang direktor noon ni Andrea sa critically-acclaimed movie na Rome and Julie na pinagbibidahan din ni Mylene Dizon.
“Supposedly ang taping namin ay July to December. My director Conie Macatuno, yung direktor ko sa Rome and Juliet before called me to tell me that I’m supposed to be part of it but I have to turned it down because of this nga.
“Dahil nga po medyo last hurrah na po ako, sinabihan na ako ng doctor na, ‘Ay naku, medyo magku-clos na ang iyong matres so kun gusto mo you have to make a choice right now.’ Siguro yung talagang pinaka-focus ko is this year. So this year is parang a major year for me,” dagdag na pahayag ni Andrea.
Eleven year old na ang ang anak ni Andrea na Bea ang pangalan at gusto niya itong bigyan ng kapatid kaya siya nag-decide magpa-IVF. Hindi naman idinetalye ni Andrea kung ano ang magiging role niya sa Philippine adaptation ng original BBC Drama na Doctor Foster (World of the Married ng Korea) na pinagbibidahan ni Jodi Sta. Maria.
Nahingan din ng PUSH ng reaksyon si Andrea tungkol sa kakapusan sa pera na dinaranas ngayon ng ilang mga artistang matinding naapektuhan ng pandemya. Ang pinakahuli na nga rito ay ang character actor na si Ping Medina na nanawagan ng financial support sa mga tao sa pamamagitan ng social media.
Ayon kay Andrea, madalas niyang i-remind noon ang mga dating kasamahan sa Viva Hotbabes na mag-save for the rainy days.
“I think my role sa mga kasamahan ko sa Hot Babes back then ay paalalahanan sila ng importance ng pagtitipid lalo na nung kasagsagan namin na we were earning so much. That was always been my role sa mga kasamahan ko before because siguro isa ako don sa nagsimula sa kanila.
“I’ve always told them na hindi dapat bili nang bili ng ganito. Yung attitude ko sa saving for the rainy days has always been there,” sabi pa niya.
Dagdag niya, “Ang buhay ng artista alam naman natin di ba, sometimes up, sometimes down and I guess what we’re all experiencing not only in this industry pero sa lahat and yeah, siguro dapat pinaghahandaan natin na we should have something set aside for things like this. We should all just prepare for things like this.”
“But then again nobody expected this di ba,” hirit pa ni Andrea.
Samantala, ang Pugon na isang narrative statement short film directed by Gabby Ramos ay initial venture ng Rems Films at bahagi ng Indie Nation exhibition section ng 17th Cinemalaya 2021.
Bukod kay Andrea ay kasama rin sa pelikula si Soliman Cruz at introducing naman sina Jhassy Busran, Cassie Kim at Bamboo B. The indie filmfest is slated to be streamed from Aug. 6 to Sept. 5 via KTX.ph.