SA BUWAN ng Disyembre nagsisimula ang panahon ng Adbyento o Advent season na isinasagawa sa simbahang Katoliko sa buong mundo. Ang salitang adbyento o advent ay nanggaling sa salitang Latin na adventus, na ang ibig sabihin ay “pagdating” na nangangahulugang sa panahong ito hinihintay natin ang pagdating ng araw ng kapanganakan ni Hesus na una nating ipinagdiriwang noong siya ay isilang bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.
Sa pahahon ding ito, hudyat na rin ng bagong taon sa kalendaryo ng simbahang Katoliko. Ito ay sinisimulan sa unang linggo ng adbyento. Sa loob ng apat na linggong paghahanda, sinisindihan isa-isa ang mga kandila bago sumapit ang araw ng Pasko.
Ang koronang berde na may apat na kandila o ang advent wreath ay sumisimbolo ng adbyento. Ang advent wreath ay nagmula umano sa protestantismo o kaya’y sa mga pre-Christian na Aleman. Sa panahon naman ng medieval ages, ang wreath ay naging paalala ng pagdating muli ni Kristo sa mundong ito. Maging saan man nagmula ang advent wreath, tanggap na ang gamit nito sa mga simbahang Katoliko. Ang advent wreath ay may apat na kandila, ang tatlo ay purple at isa naman ay kulay pink, ang apat na kandila na iyon sa advent wreath ay may iba’t ibang simbolo o kahulugan.
Ang unang kandila, na may kulay na purple, ay sumasagisag sa pag-asa – ang ipinangako ng Diyos na ipadadala niya ang tagapagligtas sa sandaigdigan; ito’y sinisindihan sa unang linggo na siyang simula din ng liturgical calendar ng mga Katoliko.
Ang pangalawang kandila, na purple din, ay simbolo ng paghahanda. Pinaghahandaan natin ang sarili natin – sa ispiritwal at moral na aspeto – upang tanggapin natin si Kristo sa ating puso.
Ang pangatlong kandila, na kulay pink, ay kumakatawan sa kasiyahan nu’ng si Kristo’y ipinanganak ng Birheng Maria. Hindi lang nilimita ang kagalakang ito sa mundo sapagkat pati ang langit at ang mga anghel ay nakilahok sa kasiyahang ito.
Ang pang-apat na kandila’y kulay purple din. Ito naman ang kandila ng pag-ibig. Sa pagpapadala ng panginoon sa sarili niyang anak, pinakita niya ang kanyang lubos na pag-ibig para sa mundo.
Sa gitna ng advent wreath ay may isa pang kandila na kulay puti at ito naman ay sumasagisag sa kadalisayan na inialay ni Kristo ang sarili niya upang burahin ang kasalanan mula sa mundong ito.
Ang advent wreath ay pabilog o paikot na may kahulugan din. Ito ay paikot dahil ang pag-ibig ng Panginoon ay walang simula at wala ring katapusan; bilang siya na mismo ang alpha at ang omega, ang buhay, ang pag-ibig, at ang ating mga kaluluwa ay walang kamatayan.
Mayroon ding isinasagawa na pagbubuka ng puso para kay Kristo. Paano natin ibubuka ang ating puso para kay Kristo? Ito ay sa pamamaraan na pagbubukas ng ating puso o pagmamahal sa ating mga kapwa, iba-iba man tayo, Katoliko man o hindi, pobre o mayaman, bata o matanda, maputi man, maitim o kayumanggi, lahat sila’y nararapat na makatanggap ng pag-ibig mula sa atin. Iyan ang tunay na diwa ng Pasko, Paskong Pinoy na tunay na masaya lalo na kapag tayong lahat ay nagmamahalan at sa pamamaraan na iyon ay matutuwa ang Panginoon Diyos sa ating lahat.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo