ILANG TEXT messages na ang aking natatanggap mula sa mga listener ng Wanted Sa Radyo na nagtatanong kung sino raw ang aking mga iboboto sa mga senatoriable. Maging ang mga waiter sa madalas kong mga pinupuntahang bar at restaurant ay nagtatanong din kung sino raw sa tingin ko sa mga kandidato ang dapat iboto.
Unang-una – para sa akin, mahalaga ang magandang track record ng isang kandidato para makuha niya ang aking boto. At ang higit sa lahat, importante sa akin ang kanyang adbokasiya para sa nakararami nating mga mahihirap na mamamayan pati na sa ating bayan.
Hinding-hindi ko iboboto ang isang tao na wala ni isang kati-ting na karanasan ng paninilbihan sa bayan na kaya kumakandidato dahil bumabangka lamang sa kasikatan ng kanyang pangalan – sapagkat siya ay isang kilalang celebrity halimbawa.
Mas lalong hindi makakakuha ng aking boto ang kandidatong walang pagmamalasakit sa kapakanan at karapatan ng maliliit nating mga kababayan. Kaya ang unang tanong agad na pumapasok sa aking isipan bago ko iboto ang isang kandidato ay, ano’ng nagawa niya para sa talamak na problema sa kahirapan at ano ang gagawin niya para maiangat ang pamumuhay ng mahihirap nating mamamayan? At ano rin ang kanyang naging kontribusyon sa ating bayan?
ANG AKING mga iboboto na mga senatoriable ay ang mga sumusunod:
1. ) CONG. JACK ENRILE. Siya ang orihinal na utak ng Kasambahay Bill na ngayon ay naging batas na at kilala sa tawag na Batas Kasambahay. Nang una siyang maluklok sa Kongreso, ito ang agad niyang inatupag at nagpanukala ng House Bill 553.
Ipinanukala rin niya ang HB 4626, The Food for Filipinos First Bill. Ang layunin nito ay para mabigyan ng sapat na pagkain ang lahat ng Pilipino. Ang labis na makikinabang dito ay ang mga mahihirap nating kababayan na karamihan sa kanila ay “isang kahig, isang tuka”. Dito inihugot ang kanyang campaign slogan na “Murang Pagkain, Maraming Pagkain”
2. ) CONG. JV EJERCITO. Kasama sa mahigit isang daang mga ipinanukala niyang batas ay ang HB 2547 – ang pagbibigay ng pamahalaan ng universal basic health care services para sa lahat ng Pilipino. Ang mga mahihirap nating mga mamamayan na hindi kayang bumili ng health insurance ang direktang makikinabang sa panukalang batas na ito.
Ipinanukala rin niya ang HB 667, ang pagbibigay ng libreng edukasyon sa kolehiyo para sa mga anak ng mahihirap nating kababayan.
3.) CONG. CYNTHIA VILLAR. Ang Villar Foundation na kanyang itinatag noong taong 1992 ay nakapagbigay na ng kabuhayan sa libu-libong mga mahihirap na pamilyang Pilipino. Dahil sa foundation niyang ito, marami sa mga naghihikahos nating mga kababayan ang nabigyan niya ng pag-asa at magandang kinabukasan.
Siya ang nag-co-author sa Republic Act 9262, ang Violence Against Women and Children Act. Ito ay isang batas na nagbibigay ng malawak na proteksyon sa mga kababaihan at kabataan laban sa karahasan.
4. ) MAYOR ED HAGEDORN. Dahil sa kanyang adbokasiya na pagbibigay halaga at kagandahan sa kalikasan, nakilala at sumikat ang Puerto Princesa City, Palawan sa buong mundo dahil sa Underground River na itinanghal bilang isa sa 7 Wonders of Nature.
Ang Underground River na labis niyang inalagaan at pinaganda simula nang siya’y maluklok bilang Mayor ng Puerto Princesa ay dinarayo ng libu-libong turistang lokal at banyaga araw-araw.
Napakalaking kontribusyon sa ating tourism industry ang Underground River. Dahil din dito, marami ang napagkalooban ng trabaho.
Ang inyong lingkod ay mapakikinggan sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na mapanonood sa Aksyon TV Channel 41.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87TULFO at 0917-7WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo