Ang Ala-Jesse Robredo ng PNP

TUMPAK ANG naging desisyon ni Presidente Noynoy sa paghirang kay Mar Roxas bilang kapalit ng yumaong Sec. Jesse Robredo sa DILG.

Tulad ng nasabi ko noon sa espasyong ito, si Roxas ang nababagay sa iniwang puwesto ni Robredo. Dahil gaya ni Robredo, malinis si Roxas at hindi nasasangkot sa anumang katiwalian at kontrobersiya ang kanyang pangalan sa marami nang taon niyang panunungkulan sa pamahalaan.

Tumpak pa rin ang naging desisyon ni Presidente Noynoy na bigyan ng free hand si Roxas sa gagawin nitong reorganization sa DILG.

At tumpak naman ang desisyon ni Roxas na alisin sa DILG si Undersecretary Rico Puno. Si Puno na isang matalik na kaibigan ni P-Noy ang binigyan ng eksklusibong kapangyarihan na pamunuan ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology ng siya’y maluklok sa DILG.

Ang mga kapangyarihang ito na dapat sana noon ay napunta kay Sec. Robredo ay sinakop ni Puno at walang nagawa ang una dahil sa sobrang dikit ng huli sa Pangulo.

MARAMING MGA pangalan ang lumulutang ngayon bilang kapalit ni General Allan Purisima sa NCRPO. Si Purisima ay napipintong ma-promote bilang chief ng directorial staff.

Sa lahat ng mga contender na lumulutang ang pa-ngalan sa media, ang nababagay na maging bagong hepe ng NCRPO ay si General Leo Espina – ang kasalukuyang chief ng Highway Patrol Group (HPG) – kung ang magiging

pamantayan ay ang estilo at pagkatao ni Sec. Jesse Robredo.

Una, si Espina ay malinis at matino. Pangalawa, siya ay maka-masa. Pangatlo, siya ay mapagkumbaba. Pang-apat, madali siyang malapitan at mabilis na umaksyon. At

panglima, mapagmahal siya sa kanyang pamilya at isa siyang simpleng tao na walang luho at bisyo.

Maraming beses na kami sa WANTED SA RADYO (WSR) na pinamangha sa hanga ni Espina. Hindi ko na mabilang ang dami ng kasong inilapit namin sa kanya na agad niyang inaksyunan.

Pero ang hindi namin makakalimutan ay nang minsang talakayin ko sa WSR ang sumbong ng isang pobreng motorista na hinulidap ng isang miyembro ng HPG sa Region 4-A. Habang ineere ang nasabing sumbong, inutusan ko ang isa sa mga staff na tawagan si Espina.

Nang makontak namin siya at makausap, ang agad niyang bungad sa akin ay sibak na sa puwesto ang inireklamong pulis at nakapag-isyu na siya ng direktiba na ipinatatapon ito sa Mindanao.

Ang hindi namin alam, nakikinig pala si Espina habang nagbibigay ng mahabang salaysay ang biktima. At bago pa man kami makatawag sa kanya, kinontak niya ang hepe ng HPG sa Region 4-A para utusang sibakin ang hulidaper na pulis at sipain ito papuntang Mindanao.

ANG WANTED SA RADYO ay napakikinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00PM. Ito ay kasabay na napanonood sa Aksyon TV, Channel 41. Ang WSR action center ay matatagpuan sa 163E Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, QC. Ito ay bukas Lunes hanggang Biyernes, 9:00AM – 5:00PM.

Ugaliing manood ng bakbakan sa T3 “Kapatid Sagot Kita” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30 – 6:00PM. Ito ay kasabay na mapanonood sa Aksyon TV, Channek 41 at mapakikinggan sa 92.3 FM, Radyo5.

Kung mayroon kayong tip tungkol sa mga katiwalian, sumbong o reklamo na nais ninyong maiparating sa inyong lingkod, magtext sa 0917-7WANTED o 0908-87TULFO.

                

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleIba ang Pangalan Mula Pagkabata
Next articleSisilip-silip

No posts to display