TALAGANG INUTIL ANG kapulisan ng Quezon City sa ilalim ni C/Supt. George Regis kung ang pag-uusapan ay ang iligal na sugal ng gambling lord na si Tony Santos.
Ayon sa ating “Tawiwit”, ang nasabing Jueteng ni Tony “Bolok” Santos o mas kilala sa TS ay naglipana saan mang sulok ng Kyusi at ito ay nag-ooperate na mistulang legal.
Isang nagpakilalang “Chito” na empleyado raw siya ng DPOS ng nasabing lungsod ang nag-text sa atin at nagbulgar na kaya hindi raw kayang ipatigil ang iligal na sugal ni TS ay dahil may tinatanggap umanong weekly payola ang isang maimpluwensyang tao na mas kilala sa Kyusi sa pangalang “Papa Mayor”.
General Regis, bakit hindi mo kayang ratsadahin itong Jueteng ni TS, dahil ba takot ka kay “Papa Mayor” o tumatanggap ka rin? Ha?
HINDI LAMANG SA Maguindanao nananalasa ang kademonyohan ng mga Ampatuan.
Na dahil sa kanilang pera, impluwensya at “private army” ay simpleng-simple lamang kung gumawa ng mga karumal-dumal na krimen!
Maging dito mismo sa Metro Manila ay meron ding ganito.
Partikular na tinutukoy natin, parekoy, ay ang Lungsod ng Caloocan, kung saan matatagpuan ang lupain na kasalukuyang nasa korte ang kaso sa pagitan ng mga 30,000 residenteng nakatira Brgy. 181 at Brgy 182 na ayon sa mga dokumento ay nasa 50 years nang nakatira sa nasabing lupain na inaangkin naman ng Carmel Development Inc. (CDI)
Ang CDI ay pag-aari ng pamilyang Araneta. Kung ang pag-uusapan, parekoy, ay pera, alam ng lahat kung gaano kayaman ang mga Araneta.
Wala ring kuwestiyon sa kapangyarihan dahil alam din ng lahat kung gaano ang kapangyarihan ngayon ni DOTC Sec. Mar Araneta Roxas.
At ang “private army” ng mga ito ay mismong ang kanilang security company na Securecor, kung saan ang mga guwardiya ay kinabibilangan ng mga dating pulis at mga dating sundalo.
Noon lamang Sabado ng umaga, walang awang pinaslang ng nasabing “private army” ng Araneta ang dalawang katao at anim pa ang sugatan.
Para lamang pumapatay ng manok ang mga halimaw na ito… talagang walang pinag-iba sa gawain ng mga Ampatuan.
Ang masakit, ginawa ang krimen sa gitna ng kalsada, araw, sa gitna ng maraming tao at sa mismong harapan ng mga pulis!
Tingnan ninyo, parekoy, kung gaano kaimpluwensya itong mga Ampatuan ng Caloocan…
Walang magawa ang mga pulis kahit sa harapan nila ginawa ang krimen at maging ang kanilang detachment ay pinagbabaril!
At ang mga baril ng nasabing mga security guard o private army ng Araneta? Armalite, M14, cal. 45, shot-gun at iba pang matataas na kalibreng baril.
Maliwanag pa sa sikat ng araw, na ang karumal-dumal na krimen na ito na isinagawa ng private army ng Araneta o Ampatuan ng Caloocan ay patikim pa lang sa mismong Metro Manila ng impluwensya ni Mar Araneta Roxas.
At ito, parekoy, ay bahagi ng “matuwid na daan” ni P-Noy!
Pwe!!!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303