MAGANDA AT makabuluhan ang panawagan ni Cong. Jack Enrile na mabigyan ng ayudang pang-edukasyon ng Department of Agriculture ang mga anak ng mga magsasaka at mangingisda. Marami sa ating mga magsasaka at ma-ngingisda ang walang kakayahang pag-aralin ang kanilang mga anak dahil sa sobrang kahirapan.
At mas lalong humirap pa ang buhay nila ngayon dahil sa lumalalang problema sa smuggling ng mga bigas at gulay. Talamak na rin ang smuggling ng isda dito sa ating bansa. Ang mga smuggled fish na galing China at Korea ay kinabibilangan ng Mackerel, Galunggong at Tamban.
Ang mga magsasaka at mangingisda ang literal na nagpapakain sa ating lahat. Pero ang nakalulungkot, ang mga taong mismong nagpapakain sa atin ay halos wala nang makain dahil sa kahirapan.
At kung halos wala na nga silang makain mas lalong wala silang maipapaaral sa kanilang mga anak. Ngayon pa lang, nakasisiguro na si Cong. Enrile ng suporta ng mga magsasaka at mangingisda sampu ng kanilang mga pamilya.
KUNG MAGKAKATOTOO ang kumakalat na balita ngayon sa Department of Agriculture, magkakaroon ng bagong kalihim sa Department of Agriculture pagkatapos ng eleksyon. Si Sec. Proceso Alcala ay mapapalitan ng magreretiro sa Senado na si Kiko Pangilinan.
At kapag natuloy ang pag-upo ni Pangilinan sa DA, ang una niyang dapat gawin ay alisin ang mga taong binitbit ni Alcala sa DA. Karamihan sa mga taong ito ay walang kuwalipikasyon. Ang tanging kuwalipikasyon lamang nila kundi man sila ay kaprobinsya, sila ay kababata, kaklase o kumpare ni Alcala.
Ilan pa nga sa kanila ay kuwestiyonable ang integridad at nasasangkot sa samu’t-saring katiwalian.
Matatandaan na naisulat ko sa espasyong ito noong February 18 ang tungkol sa sumbong sa inyong lingkod ng maraming mga magsasaka ng Quezon Province. Sinumbong sa akin ng nasabing mga magsasaka ang ginawang pamemeke sa kanilang pirma para palitawin na sila’y tumanggap ng P50,000 – bawat isa – mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng noo’y Congressman ng 2nd District ng Quezon na si Alcala.
Ipinadaan ang pera sa Sir Pelagio Alcantara Development Foundation, Inc. (SPADE). Nakapirma si Alcala sa ilang dokumento na nag-aapruba sa pag-release ng nasabing mga pera para sa mga magsasaka samantalang nakapirma naman sa mga voucher ang presidente ng SPADE na si Claron Alcantara hinggil sa pagkakatanggap ng mga magsasaka ng kanilang mga pera.
Si Alcala ay may kasong graft na nakasampa ngayon sa Office of the Ombudsman. Ito’y naisampa noong February 4, 2013. Si Alcantara ay nagtatrabaho umano ngayon sa tanggapan ni Alcala, ayon sa isang mapagkakatiwalaang source.
ISANG EMPLEYADO ng National Irrigation Administration (NIA) ang nagsusumbong laban sa kanyang Sir sa NIA. Si Sir daw ay napakaraming gas station at mga paupahang apartment at condominium sa mga probinsya at dito sa Metro Manila.
Sa ilang mga condominium na ito ibinabahay raw ni Sir ang kanyang number 2 and 3 – at mga pamilya nito – na may kasama pang mga mamahaling SUV at driver. Malakas daw tumaga si Sir ng kumisyon sa mga kontrata sa NIA.
SINO ITONG isang opisyal sa DA na malapit kay Alcala na nahuhumaling sa isang Chinese mestiza? Parang asong ulol daw itong hahabul-habol sa nasabing dalaga. Madalas daw itong tumakas ng kanyang opisina sa oras ng trabaho para dalawin ang dalaga sa lugar ng pinagtatrabahuan nito.
Halos maging diabetic na raw si dalaga sa walang patid na pagreregalo sa kanya nitong opisyal ng mga cake at imported chocolates araw-araw.
Shooting Range
Raffy Tulfo