SA DARATING na Cabinet revamp, dapat italaga naman ni Pangulong Noynoy Aquino bilang kanyang bagong Executive Secretary si kasalukuyang Department of Transportation and Communication Secretary Mar Roxas.
Hindi dahil sa pagbabayad ng utang na loob – dahil nagpaubaya si Sec. Roxas kay P-Noy noong nakaraang eleksyon, kundi dahil dapat magkaroon na ng professionalism sa tanggapan ng pinakamataas na posisyon sa gabinete na itinuturing bilang “little president”.
Unang-una na, tulad ni P-Noy, hindi manginginom ng alak si Sec. Roxas. Kaya ‘di tulad ng ibang opisyal, hinding-hindi mo makikita si Sec. Roxas na lasing at pasuray-suray sa mga disenteng lugar o dili kaya’y nagpapakalasing kasama ang mga babaeng taga-showbiz.
Pangalawa, tulad ni P-Noy, palaging on time ito sa pag-attend sa mga Cabinet meeting at hindi nangangamoy alak dala pa ng hang-over sa inuman kinagabihan.
Pangatlo, dahil hindi naman niya kababata o kabarkada si Sec. Roxas, mas makakakuha si P-Noy ng respeto rito dahil ang magiging turing ng una sa huli ay bilang isang katrabaho at amo at ‘di bilang isang matagal nang kabarkada na walang takot sa kanya at puwedeng mang-abuso.
Si kasalukuyang Executive Secretary Paquito Ochoa ay puwede namang tumakbo bilang Congressman o Senador para kapag nanalo, madadagdagan pa lalo ang mga kakamping mambabatas ng Pangulo.
KUNG MATUTULOY talaga ang pagtakbo ni Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon sa Senado sa darating na midterm elections, puwede niyang italaga bilang kapalit si kasalukuyang BoC Deputy Commissioner for Intelligence Group Danny Lim.
Si Depcom. Lim na dating miyembro ng Scout Ranger – isang elite group sa Philippine Army – at retiradong heneral na marami nang naranasang bakbakan noong siya’y nasa serbisyo pa ay isang taong walang takot at handang banggain ang sinumang smuggler – maging sino pa mang Poncio Pilato ang padrino nito.
Matatandaang si Lim ay isa sa mga kasama sa tinaguriang Oakwood Mutiny noong panahon ng administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo dahil ipinaglaban niya ang kanyang prinsipyo kontra sa katiwalian. Dahil doon, siya ay nakulong nang 7 taon.
KAPAG WALANG mapili si P-Noy mula sa mga insider sa National Bureau of Investigation para maging bagong permanenteng NBI Director, puwede niyang italaga si kasalukuyang PNP-CIDG Director Sammy Pagdilao.
Si Gen. Pagdilao ay magriretiro sa susunod na taon. Isa siyang abogado kaya bihasa siya tungkol sa ating Saligang Batas. Bukod pa rito, ang CIDG ang counterpart ng NBI sa PNP. Ibig sabihin, marami nang kaalaman si Gen. Pagdilao pagdating sa intelligence and investigation na siya naman talagang trabaho ng NBI.
Sa madaling salita, hindi na siya kailangang turuan pa kapag siya’y naging NBI Director. Kahit na isa siyang outsider, madali siyang tanggapin at galangin ng mga NBI old-timer dahil sa kanyang angking kaalaman na madadala niya sa Bureau.
KAPAG SI DoJ Secretary Leila De Lima ang na-appoint bilang Chief Justice ng Supreme Court, puwedeng italaga ni P-Noy bilang kapalit sa DoJ si Senator Franklin Drilon.
Si Sen. Drilon ay dati nang naging DoJ Secretary kaya sa pagbabalik niya sa DoJ – dahil nakagamayan na niya ito, mas marami siyang magagawang trabaho.
Bukod pa rito, hindi rin matatawaran ang mahabang panahon na ginugol ni Sen. Drilon sa Senado pati na ang kanyang pagiging dating Senate President. Kilala si Sen. Drilon bilang isang taong may prinsipyo at integridad.
Ang Wanted Sa Radyo ay mapapakinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm kasabay na mapapanood din ito sa AksyonTV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo