ANG “BAKAYAROU” ay salitang Hapon na ang ibig sabihin ay estupido o moron. Si Hiroyuki Takashi ng Otora Japanese Restaurant sa M. Adriatico St., Malate, Manila ay isang self-confessed na bakayarou.
Sa pakikipag-usap ni Takashi sa inyong lingkod noong May 28, 2014, sa programang Wanted Sa Radyo (WSR), nanggaling mismo sa kanyang bibig ang pag-amin na siya ay isang moron.
At tama lang naman na tawagin siyang moron dahil tanga siya sa mga karapatan ng mga kababayan nating manggagawa.
ANG “JAN in han” naman ay salitang Korean na ang ibig sabihin ay malupit. Si Alex Kim Yung Sam ng Ahchun Textile Trading Corporation sa Ilaya St., Tondo, Manila ay sertipikadong matindi sa kalupitan.
Sa pakikipag-usap ni Kim noong May 14, 2014 sa inyong lingkod, sa programang WSR, bagama’t siya ay nagkunwaring “sikya” – salitang Korean na ang ibig sabihin ay tanga, dahil tila hindi raw niya ako naiintindihan, alam niyang siya ay nang-aapi ng mga kababayan natin.
SI ROGER Tillada ay isa sa mga cook sa restaurant ni Takashi. Isa sa kanyang mga responsibilidad ay ang gumawa ng ramen. Kasama rito ay ang paghalo ng sangkap na “kansui” gamit ang kanyang mga kamay.
Bagama’t siya ay gumagamit ng gloves sa paghawak niya sa sangkap na ito, dahil sa sobrang tapang ng kemikal na napapaloob dito, nabubutas ang kanyang mga gloves dahilan para magkasugat-sugat ang gilid ng kanyang mga daliri.
Pero dumating ang punto na lalong lumala ang mga sugat ni Roger at kinailangan niyang magpahinga ng ilang araw matapos magpagamot at payuhan ng doktor na huwag munang magtrabaho. Ngunit nagulantang na lamang siya nang pagsabihan ni Takashi na huwag nang bumalik ng trabaho at ituluy-tuloy na niya ang kanyang habambuhay na bakasyon.
Ang masaklap pa, si Roger mismo ang gumastos sa pagpapagamot sa kanyang mga sugat dahil ayaw raw siyang tulungan ng kanyang among Hapon. Si Roger din ang bumibili ng mga ginagamit niyang gloves na pamproteksyon. Dahil kung si Takashi raw ang masusunod, hindi na raw kailangan ang mga ito.
ISINUMBONG NA rin ni Roger ang mga kabulastugan ni Takashi. Nagtitinda raw ito ng Viagra sa kanyang restaurant. Ang nasabing gamot ay isang prescription drugs na nabibili lamang dapat sa mga botika sa pamamagitan ng reseta mula sa isang doktor. Nagpakita ng sample si Roger.
Nagbebenta rin daw si Takashi ng mga alak samantalang hindi naman daw ito kasama sa permit na naibigay para sa kanyang restaurant ng lokal na pamahalaan ng Maynila. Pero ang labis na inaalala at pinangangambahan ni Roger ay ang malaking posibilidad na magkakasunog sa restaurant ni Takashi.
Ayon kay Roger, anim daw ang kalan sa kusina ng restaurant na pawang mga high-pressured. Tatlong tangke raw ng gasul ang nagpapagana rito at may dalawang reserbang tangke. Ang mga tangke ay nasa loob mismo ng kusina malapit sa kalan. Ang nagdudugtong sa kalan at mga tangke ay mga gomang hose lamang.
Dapat daw sana, ang mga tangke ay nakabukod sa labas ng kusina at may sariling housing at stainless na tubo na kumukonekta sa kalan. Kapag ininspeksyon daw ito ng mga taga-Bureau of Fire, tiyak na lalagpak sa safety standard at masasara ang restaurant na ito, sabi pa ni Roger.
SI JUVELYN Gambol at lima niyang mga kasama ay pawang mga trabahador naman sa kompanya ni Kim na isang pagawaan ng mga tela at damit. Ayon sa grupo ni Juvelyn, sobrang baba at wala sa minimum wage ang natatanggap daw nilang sahod mula sa kompanya ni Kim.
Ang minimum wage na nakasaad ngayon sa ating batas para sa mga manggagawa sa NCR ay P466.00 kada araw sa loob ng walong oras. Pero ang binabayad lang daw sa kanila ni Kim ay P170.00 bawat araw, at kadalasan hanggang 12 hours silang pinagtatrabaho nang walang binabayad na overtime.
Noong una, napagtitiyagaan naman daw nila ang hindi makatarungang pasuweldo sa kanila ni Kim. Pero nang dumating ang panahon na nagsimula na itong manakit at magmaltrato, naisipan na nilang magsumbong.
Kapag nagagalit daw si Kim, tinatawag na “tarantado” ang mga Pilipino. Madalas pa, hindi raw ito nakapagpipigil at pinupukpok niya ng bottled water na may laman ang ulo ng mga empleyado niyang babae.
Ang mga trabahador naman niyang lalaki ay pinipingot daw niya ang mga tenga at pagkatapos ay pinahihiya sa harap ng mga customer na kadalasan ay sa pamamagitan ng mura.
SA SOBRANG sama ng loob, isinumbong na rin ng grupo ni Juvelyn ang mga kagaguhan ni Kim. Gumagamit daw ang Koreanong ito ng mga pekeng resibo para makapandaya sa BIR.
Isa rin daw itong smuggler at mayroong ipinagmamalaking koneksyon sa Department of Finance (DOF) kaya mabilis daw na nakalulusot ang kanyang mga kontrabando. Paglabas ng Customs Compound, isang pulis daw na nagngangalang PO3 Jaime Co ng Manila Police District naman ang kanyang ipinagmamalaking escort ng kanyang mga kargamento.
Tinawagan ko ang NCRPO sa Bicutan at nangako si Police Superintendent Robert Domingo, Spokesperson ng NCRPO, na ipapatawag niya si Co at mahigpit na ipagbabawal na raw niya rito ang pag-escort sa mga kargamento ni Kim.
ANG NAKAKATAWA sa naging pag-uusap namin ni Kim ay nang ipasa niya ang telepono sa kanyang sekretarya na isa ring Pilipino sapagkat hindi raw niya ako naiintindihan.
Nang makausap ko ang sekretarya, sinabi nitong naiintindihan daw ni Kim ang pinagsasabi ko at ang sumbong ng mga trabahador na nasa studio. Maging siya ay umamin din na wala sa minimum wage ang kanyang natatanggap na sahod.
Binabale-wala lang daw ni Kim ang kanyang reklamo at maging ng kanyang mga kasamahan sa tuwing kinukompronta nila siya tungkol sa kanilang ‘di makatarungang suweldo.
Maaari ngang may ipinagmamalaking taga-DOF si Kim dahil nang magpunta ang mga ahente ng DOLE sa kanyang kompanya dahil sa kahilingan namin, pinahiya at pinalayas daw ang mga ito ni Kim.
NANANAWAGAN AKO sa Bureau of Immigration, Bureau of Customs, BIR, Bureau of Fire, BFAD, DOLE, NBI at BPLO ng Maynila na dalawin ang establisyamento ng dalawang banyagang ito at imbestigahan, at ipakita na rin sa mga ungas na hindi sila puwedeng mang-api ng mga kababayan natin sa atin mismong bayan.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo