ISANG MILITARY lieutenant colonel ang isinusumbong sa inyong lingkod. Bibihira akong makatanggap ng sumbong laban sa mga opisyal ng AFP. Ang madalas na maisumbong sa akin ay ang mga opisyal ng PNP dahil sa pang-aabuso, pang-aapi at pagbabanta.
Pero mas matindi ang military colonel na ito kaysa sa mga opisyal ng PNP na naisumbong na sa akin dahil nasa kanya na ang halos lahat ng klaseng kawalanghiyaang ginagawa ng ilang naisumbong ng tiwaling opisyal ng kapulisan.
Si Colonel ay inirereklamo ng kanyang menor de edad na girlfriend – 17 years old to be exact. May anak si Colonel dito. Pero nang makilala ni Colonel ang dalagita hanggang sa maging girlfriend niya, kinse anyos pa lamang ito.
Sinabi ni Colonel sa musmos na dalagita – nang nililigawan pa niya ito – na siya ay isang balo kaya agad niyang nabitag ito.
Sa isa sa mga officers’ quarter sa kampo itinira ni Colonel ang dalagita matapos siyang sagutin nito. Sa umpisa walang reklamo ang dalagita dahil ibinibigay ni Colonel ang lahat ng kanyang pangangailangan – masasarap na pagkain, sasakyan with personal driver/bodyguard, pera, atbp.
PERO ‘DI kalaunan, nabuking ng dalagita na buhay pa pala ang misis ni Colonel. Dito na sila madalas na mag-away, at dito na rin madalas na bugbugin ni Colonel ang dalagita. Walang magawa ang dalagita kundi ang umiyak na lang at ikuwento sa kanyang mga kamag-anak ang tungkol sa kanyang kaawa-awang sitwasyon.
Ngunit tinakot siya ni Colonel na kapag siya ay nagsumbong, uubusin niya – meaning, papatayin – ang buong angkan ng dalagita. Sinabi din ni Colonel sa dalagita na walang makikinig sa kanya sapagkat kilala niya ang lahat ng awtoridad sa probinsiya na kung saan siya ay naka-assign. Si Colonel ay nakadestino sa Camp Eugenio Daza sa Catbalogan, Samar.
Nang ‘di na matiis ng dalagita ang mga pananakit ni Colonel, lumapit siya sa isang military chaplain para humingi ng payo. Ipinayo sa kanya ng chaplain na hiwalayan si Colonel at dumulog sa DSWD at pagkatapos ay magsumbong sa media para ma-expose ang kawalanghiyaan ng taong ito.
SINUNOD NG dalagita ang payo ng chaplain at lumayas siya sa kampo bitbit ang kanyang 5-month old na anak kay Colonel. Inakala niya na sa kanyang pakikipaghiwalay kay Colonel, matitigil na ang kanyang kalbaryo sapagkat matitigil na rin ang mga pambubugbog sa kanya.
Pero nagkakamali siya. Isa pang kalbaryo na mas matindi ang kinakaharap niya ngayon pati na ng kanyang sanggol.
Ayaw magbigay ng suporta si Colonel para sa gatas at diaper ng kanyang anak. Ang masaklap pa, wala na nga siyang ibinibigay ni singko para sa kanyang anak, may gana pa ang balasubas na magbantang papatayin ang ina nito.
ANG MALAKING tanong ngayon, nang itinira ni Colonel ang menor de edad niyang girlfriend sa isa sa mga officers’ quarter sa Camp Eugenio Daza, alam ba ito ng pamunuan ng nasabing kampo? At alam ba din nila na ang menor de edad na ito ay palaging binubugbog sa loob mismo ng kampo?
Dapat personal na imbestigahan ni Sec. Dinky Soliman ng DSWD ang kasong ito yaman din lang na nakapag-file na ng formal complaint ang dalagita sa DSWD laban kay Colonel.
ANG INYONG lingkod ay mapakikinggan sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3FM, Radyo5 – Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay naka-simulcast sa Aksyon TV Channel 41. Ang T3 Reload naman ay mapanonood tuwing Lunes hanggang Biyernes, 5:30pm sa TV5. Samantalang ang Aksyon Weekend news naman ay mapanonood tuwing Sabado, 6:30pm sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo