Ang Bandila sa Scarborough

NATAPOS NA rin ang tension sa pagitan ng bansang Tsina at Pilipinas na naganap noong nakaraang linggo sa Scarborough Shoal, sa may West Philippine Sea.

Nauna rito, hinuli ng ating “warship” (BRP Gregorio del Pilar) ang 8 barkong pangisda ng mga Intsik dahil sa pagpasok ng mga ito sa ating karagatan at iligal na pangingisda.

Mga giant clams, buhay na mga pating at iba’t ibang klaseng laman-dagat ang karga ng nasabing mga barko ng intsik ng sila ay mahuli ng Philippine Navy.

Pero bago pa lubusang naaresto ang mga Tsekwa ay biglang sumulpot ang 2 surveillance ship ng pamahalaang Tsina at humarang sa pagitan ng mga nahu-ling barko at ng ating BRP Gregorio del Pilar.

Sa nasabing girian, biglang umali-ngawngaw ang tinig ng Palasyo na kailangang daanin natin sa diplomatikong paraan ang pagresolba sa isyu, kasabay ng paghain natin ng tinatawag na diplomatic protest… huuuummmm.

Sandali tayong nakaidlip, parekoy.

Pagmulat ni P-Noy, DFA Secretary Albert del Rosario at Navy Flag Officer in Command Rear Adm. Alexander Pama ay wala na ang 8 barko ng Tsina.

At maging ang barko ng Philippine Coast Guard na humalili sa BRP Gregorio del Pilar ay inikot-ikutan pa ng eroplanong pandigma ng Tsina!

Tsk, tsk, tsk, harap-harapan, parekoy, na tayo ay tinarantado ng bansang Tsina.

Sa ganitong nakapanlulumo na sitwasyon ay kaagad nakaisip ng palusot ang Palasyo at ang ating mga sundalo.

Bigla rin nating iwinagayway roon ang bandila ng Pilipinas.

Kasabay ang pahayag na tayo ang nagwagi sa nasabing tensyon dahil ang ating bandila ang nakataas ngayon doon sa Scarborough Shoal.

Ayon kay Del Rosario, ito ang mahalaga dahil nangangahulugan lamang na itinaas natin ang soberenya ng ating bansa!

Ha? Anong soberenya kaya ang idinadaldal ni Sec. Del Rosario?

Nakalimutan mo ba Ginoong Kalihim na ang soberenya ay nangangahulugan ng ating kalayaan at kasarinlan?

Sa nasabing insidente, malaya ba nating naipatupad ang ating mga batas?

Malaya ba nating naaresto at nakasuhan ang mga perpetrator?

Hindi ba’t nakauwi na nga ang kanilang mga barko at mangingisda na wala tayong nagawa para sila ay pigilan?

In short, sila ang malaya!

Kaya maliwanag na ang Tsina ang may kalayaan sa Scarborough Shoal!!!

Dito naman tayo parekoy sa kasarinlan.

Nasarili ba natin ang Scarborough Shoal at maging ang taglay nitong kayamanan?

Hindi ba’t sa kanilang pag-uwi sa Tsina ay tangay nila ang lahat ng giant clams, malalaking buhay na pating at lahat ng kanilang nakulimbat!

Katunayan, ni hindi nga tayo nakaarbor kahit isang buntot ng pating!

In short, nasarili nila ang lahat ng yamang-dagat na nakuha roon!

Kaya maliwanag na ang Tsina ang may kasarinlan sa Scarborough Shoal!!!

Kaya habang nakawagayway ang bandila ng Republika ng Pilipinas pero ang bansang Tsina naman ang may kalayaan at kasarinlan sa Scarborough Shoal ay lalo lamang natin ipinahihiya ang ating sarili!!!

Kaya manahimik na lang tayo at

maglupasay!!!

P’we!

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleEmployer o Ahensya – Sino ang Mananagot?
Next articleLibrito ni Mang Karing

No posts to display