ILANG LINGGO na lang ay idaraos na ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC). Samantala, patindi na rin nang patindi ang pagpaparamdam ng espiritu ng 2016 national elections sa ating bansa. Sa pagitan ng dalawang dambuhalang kaganapang ito ay ang naghihingalong Bangsamoro Basic Law (BBL) na tila naibaon na sa limot ng mga pulitiko at mga tao. Hindi na rin ito pinag-uusapan sa media at nawalan na ng interes maging ang mga international reporters na sumusubaybay sa takbo ng kuwento ng Bangsamoro.
Ang hindi naiisip ng marami ay malaki ang epekto ng BBL sa APEC. Malaki rin ang maaaring maidulot na epekto ng 2016 elections para mapabilis ang pagsasabatas ng BBL. Minsan nang ipinahayag ni House Speaker Sony Belmonte ang kanyang pangamba dahil nauubos na ang kanilang panahon sa mababang kapulungan. Mukhang mahihirapan daw ang mga kongresista na maipasa ito sa lalong madaling panahon dahil magiging abala na sila sa pag-aaral ng 2016 budget na aabot sa 3 trilyong piso base sa panukalang budget na isinumite ng administrasyong Aquino. Alalahanin din natin na dadaan pa ito sa Senado at kung magkakasundo sa iisang bersyon ay saka pa lang ito sisimulang talakayin sa bicameral legislation.
Matatandaan natin na simula’t sapul ay hindi paborable ang ilang mga senador dito gaya ni Senator Bongbong Marcos na nagbabantang mahihirapang lumusot ang panukalang batas sa Senado. Si Senadora Miriam Defensor Santiago ay una nang nagpahayag ng kanyang posiyon na hindi pumapabor sa BBL. Para kay Sen. Miriam ay hindi sang-ayon sa batas ang porma at nilalaman ng BBL. Itinuturing ito na unconstitutional ng senadora. Ngunit, ngayong parehong nagdeklara na ng kandidatura ang dalawang senador at tila sila rin ang magtatambalan para sa presidential race, tila maaaring umiba ang ihip ng hangin.
NUMBERS GAME nga raw ang pagsasagawa ng batas dahil sa huli ay magbobotohan din naman ang mga kongresista at senador. Kung mas marami ang bilang ng mga mambabatas na kaalyado ng administrasyong Aquino ay malamang na maihabol pa ito. Kung bibigyang bigat natin sa eksena ang 2016 elections, maaaring masabi nating posibleng magbago ang posisyon ng dalawang senador. Lalo’t mukhang tuloy na ang tambalang Miriam-Marcos sa 2016. Malaking boto ang manggagaling sa Mindanao at tiyak na kakailanganin nila ito para makakuha ng maraming boto.
Kung ganon ay maaaring gamitin ng mga nagtutulak sa pagsasabatas ng BBL ang 2016 presidential race para tiyaking maipapasa ang BBL bago pa bumaba sa puwesto si Pangulong Aquino. Hindi magiging paborable sa mga mambabatas na nag-aasam ng re-election o mas mataas na puwesto sa pamahalaan ang hindi pagpabor ng mga ito sa BBL. Kung patuloy na babanatan nina Senator Miriam at Marcos ang BBL, tiyak na hindi sila iboboto ng mga taga-Mindanao at maging ng mga taga-Visayas at Luzon na sumusuporta sa Bangsamoro.
Ngunit dapat sanang tandaan ng mga mambabatas na sa likod ng kahit na anong isyu ay dapat katuwiran ang umiral sa kanila at hindi sistemang kampihan sa pulitika at pagpapabango lamang sa kanilang mga pangalan para makakuha ng boto. Malaki rin ang nakapusta sa usaping BBL sa aspetong pang-ekonomiya. Kaya dapat lang na maging matalino ang mga mambabatas sa usaping ito. Kailangan nilang tutukan ang mga tunay at kapaki-pakinabang na merito ng Bangsamoro para sa Pilipinas.
ANG BBL ay mayroong mahalagang papel sa APEC. Ito ang isang anggulong hindi masyadong nakikita ng mga mambabatas dahil nakatutok lang ang marami sa kanila sa isyung pulitikal at kapangyarihan malilikha ng BBL sa oras na ito ay maging isang ganap na batas. Malaki ang potensyal ng ekonomiyang malilikha sa Mindanao, lalo na sa bahaging Muslim Mindanao dahil ang ASEAN ay isang Muslim market.
Ang potensyal na magandang ekonomiyang magmumula sa Mindanao ang maaaring isa sa mga susi para tuluyan nang makaahon ang Pilipinas sa pagiging isang third world country. Halimbawa, kung babalikan natin ang kasaysayan, ang mga bansang malubhang naapektuhan ng World War II ay nagsiahon na sa kahirapan. Samantalang ang Pilipinas ay sadlak pa rin sa hirap dahil tila hindi natin nagagamit nang lubos ang potensyal na malaking ekonomiya sa Mindanao.
Ang punto rito ay dapat nating tingnan ang BBL bilang oportunidad para sa buong bansa na magkaroon ng mas malaki at malawak na ekonomiya. Ito ang susi sa maraming problema ng bansa. Malaki ang potensyal ng ekonomiyang magmumula sa Muslim region dahil ang ASEAN ay isang Muslim market at hindi pa natin nabibigyang tutok ito sa kasaysayan ng Pilipinas.
MAAARING NANDITO sa pagkakapasa ng BBL ang susi upang umangat ang ekonomiya ng buong bansa. Isipin natin na ang pag-unlad ng Muslim Region ay pag-unlad din ng buong bansa. Napakalawak ng ASEAN market at mas magiging maganda ang partisipasyon natin dito kung pangungunahan ito ng mga kapatid nating Muslim. Sa napakahabang panahon ay nasayang natin ang potensyal ng magandang ekonomiya ng Mindanao dahil sa walang tigil na labanan ng mga grupong rebeldeng Muslim at tropang militar ng pamahalaan.
Malaki ang papel ng BBL sa ASEAN economy. Hindi lang sana tumutok ang mga mababatas sa isyung pulitikal nito. Bagkos ay pag-aralan din sana ang ekonomikal na aspeto na dulot ng BBL.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo