ANG EBOLA Virus na mabilis na kumakalat ngayon sa buong mundo ay may malaking bantang panganib para sa Pilipinas. Ang Pilipinas ay isang bansa na araw-araw ay nagpapaalis ng libu-libong Pilipinong manggagawa sa ibang bansa at araw-araw rin ay marami sa kanila ang bumabalik sa bansa. Nakakalat sa buong mundo ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) natin at malaki ang posibilidad na mahawa ang ilan sa kanila at madala rito sa bansa ang virus sa kanilang pagbalik.
Kung mangyayari ito ay tiyak na magiging malaking delubyo ang hatid nito sa buong bansa. Ang mga pampublikong ospital sa ating bansa ay hindi handa sa ganitong antas ng sakit. Ang pamahalaan at Department of Health (DOH) ay walang kongkretong programa para paghandaan ito. Tila naghihintay lang tayo ng isang malakas na bagyong tatama sa atin.
Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang seryosong banta ng Ebola Virus sa ating bansa kung makapapasok ito sa ating mga paliparan. Ano ba ang mga maaaring mangyari sa oras na makapasok ito? Gaano kabilis ang magiging pagkalat nito sa bansa? Paano ito haharapin ng pamahalaan? Paano makokontrol ang pagkalat nito? Ito ang mga tanong na ating bubusisiin.
KUNG SUSUKATIN ang probabilidad na makapasok ang Ebola Virus sa bansa ay makikitang napakalaki ng tiyansang mangyari ito. Kung pagbabasehan natin ang dami ng mga OFW na labas-masok sa ating mga paliparan at tumutungo sa mga bansang mataas ang datos ng mga taong nahawaan ng Ebola Virus, hindi malayong makapagdala sila ng sakit na ito.
Ang ating mga paliparan ay hindi gaanong kinakikitaan ng mga gamit na siyang tutukoy sa mga pasaherong infected ng virus. Ang gamit ng mga paliparang ito ay ang mga lumang equipment na ginamit pa nila noong kasagsagan ng sakit na SARS. Ang problema kasi ay hindi naman naglabas ang pamahalaan ng pera para pondohan ang mga kailangang equipment para maharang ang mga infected na pasahero.
Base sa isang bagong pag-aaral sa Ebola Virus, hindi kinakikitaan ng sintomas o tanda na ang isang tao ay infected ng Ebola Virus gaya ng lagnat na siyang nakikita lamang ng mga machine detector sa airports dahil ito lang ang palatandaan ng sakit na SARS noon. Matagal ang incubation period ng Ebola Virus sa katawan ng tao na aabot sa 3 hanggang 5 araw bago lumabas ang mga senyales ng sakit. Ibig sabihin ay maaaring makalusot ang isang taong infected ng Virus sa airport dahil hindi ito makikita ito ng detectors na gamit nila.
ISIPIN NATIN kung makauuwi ang isang infected na pasahero sa kanyang bahay. Bago pa makita ang mga tanda na siya ay infected ng virus ay nahawa na niya ang kanyang mga kasambahay. Dahil likas sa mga Pilipino ang mamasyal ay tiyak na makapupunta naman sa malls o parks ang mga kamag-anak na nahawaan din ng virus dahil hindi nila alam na sila ay carrier na ng Ebola virus. Ilang libong Pilipino ang nasa mall araw-araw at ang lahat ng ito ay uuwi at hahawaan ang kanya-kanyang mga kasambahay at kaanak. Magiging ganito kabilis ang pagkalat ng Ebola virus sa Pilipinas.
Ano naman ang magagawa ng ating pamahalaan kung sakaling maganap na nga ang ganitong pagkalat ng Ebola virus sa ating bansa? Wala siguro dahil hindi sapat ang paghahanda nila ngayon at walang pondong inilalabas ang pamahalaan para rito. Kung pagbabasehan ang mga lumalabas na balita ay puro lamang seminar, heath advisory at statements ang inilalabas ng pamahalaan at DOH. Wala silang malinaw na plano at kung mayroon man ay mukhang hindi sapat ito.
Wala ring mambabatas ang gustong talakayin ang problemang ito. Ang pinag-uusapan ngayon sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso ay mga isyu ng nakawan at korapsyon sa politika. Abalang-abala ang mga mambabatas natin sa pamumulitika. Ang mahirap nito ay bubulagain na lamang tayo ng Ebola Virus at huli na ang lahat para sa atin. Sa oras na makapasok ‘yan ay diretso na ‘yan at maaaring ito ang umubos ng ating lahi.
TITIGIL ANG lahat ng opisina at marahil ay magkukulong na lang ang mga tao sa bahay kung mangyayari ito. Baka mahirap ding lumabas at bumili ng pagkain sa panahon na ito dahil ang ibang mga taong bibili ay maaaring infected na rin. Sumatotal ay mapaparalisa ang ating ekonomiya at buong bansa kung magkakataon.
Seryoso ang banta ng Ebola Virus at maging ang mga 1st world country gaya ng Amerika ay nahirapan para pigilan ang Ebola virus na makapasok sa kanilang bansa. Tayo na isang 3rd world country ay tila nagpapatumpik-tumpik lamang dahil ang pamahalaan ay walang kongkretong plano para sa banta na ito ng Ebola. Dapat ay kumikilos na ang lahat ng sangay ng pamahalaan ngayon dahil itinuturing na itong banta sa sangkatauhan.
Sana ay magkaroon na ng mga programa ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na tutugon para sa paghahanda natin sa Ebola Virus. Dapat ay paglaanan ng malaking pondo ang pagbabantay sa mga paliparan dahil sa oras na makapasok ito sa ating bansa ay mas malaking problema ang hatid nito at baka hindi na natin ito makayanan.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro, ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa newscast na Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo